Maraming malalaking balita sa sports sa nakaraang linggo. Ngayong araw, pag-uusapan sigurado ang labang Ateneo-La Salle sa UAAP.
Subalit may mga nagtatagumpay na Pinoy sa ibang bansa. Matatawag natin silang mga OFW o Overseas Filipino Winners. Una ang Filipino-Australian na si Robin Palileo ng Blacktown Hit Squad sa Australia. Tinadtad niya si Jack Michael ng Belmore PCYC, 3-0 para sa isang unanimous decision sa unang “BHS Amateur Boxing Fight Night” na ginanap sa BHS Gym sa Third Avenue sa Blacktown noong nakaraang Sabado.
Ang 57 kilogram na si Palileo, 17 taong gulang, ay naging matagumpay din sa pagsali niya sa nakaraang Amateur Boxing Association of the Philippines National Championships noong nakaraang taon sa Bacolod. Siya ay tinuturuan ng dating Philippine Olympic team coach at ilang ulit na national champion na si Ricardo Fortaleza.
“I am full of joy; my hard training and the right discipline exemplified to us by our coach Ricardo Fortaleza paid off with a great great result”, sabi ni Palileo.
Sa katunayan, si Fidel Tukel, Managing Director ng BHS ang nagbigay kay Palileo ng ginintuang tropeo, at kinilala ang batang Fil-Aussie bilang “Best Boxer of the Night” , at isa pa para sa “Best Fight of the Night” na pinaghatian ni Palileo at Jack Michael, kampeon ng 2008 Australian Senior Mens Championships.
Ang unang “BHS Amateur Boxing Fight Night” ay sinuportahan ng Philippine Community Council of New South Wales Inc., Zignal Travels, Le Colonials Restaurant, Amigos Mechanical Repairs, Melchrishel Bakery, LBC Australia Pty/Ltd, Bohol Motor Repairs, RDA Blacktown High Tech, David Bros. Car Repairs P/L, John Deans Auto Electrical and the A1 Exhausts Auto Check. Ilan sa mga ito ay pagmamay-ari ng mga Pilipino sa Australia.
* * *
Samantala, sa ikalawang sunod na pagkakataon, nakuha ng Pilipinas ang gintong medalya sa Merdeka Asia Pacific Tournament sa lawn bowls. Sa pagkakataong ito, nakuha ni Maila Guyal Witheridge ang kaisa-isang ginto mula sa isang bansa sa Asya.
Naging madrama ang panalo ng 34 na taong gulang na ina mula sa Bauang, La Union. Nalamangan siya ng 1-7 sa simula ng laban, subalit bumawi ng 9-3 at 5-1 upang masigurado ang ginto.
Sa Witheridge ay naging kinatawan ng Asya sa 2007 World team Cup, at unang nakakuha ng bronze medal sa singles at triples event sa 1st Asian Championships noong 2001.