UST lusot sa UP
MANILA, Philippines - Upang muling bumalik sa hulog ang laro, sumandal ang University of Santo Tomas sa troika ni Dylan Ababou, Khasim Mirza at Jeric Teng matapos pabagsakin ang State U, 95-85 kahapon para sa pag-asang muling makatapak sa Final Four sa 72nd UAAP basketball tournament sa Big Dome.
Bumangon mula sa pagkakasadlak sa nakakapanghinang pagkabigo sa kamay ng Far Eastern University, pinamunuan ni Smart Gilas Pilipinas standout Dylan Ababou ang pagpapasabog ng 23 puntos na bumitbit ng kumpiyansa sa koponan.
Habang nagbigay rin ng 22 puntos kabilang ang 19 points sa second half si Mirza upang kumpletuhin ang naturang dominasyon.
Gayundin, pinatunayan ang dugong basketbolista, binura ng 18 anyos na anak ni Alvin Teng ang naitala nang magrehistro ito ng 22 points para siguruhin ang pamamayani ng Tigers at iankla ang ikaapat nitong panalo
Sa kabila ng malaking panalo kontra Ateneo na naiuwi ng UP, agad tinapatan ni Teng ang pwersa ng Maroons nang magpakawala ito ng 10 point barrage na naging susi sa pag-arangkada ng Tigers kung saan nagawa pa nitong imarka ang pinakamalaking kalamangan sa final canto, 78-68.
Sa naunang laban, dinaig ng National U ang Adamson sa pamamagitan ng 76-70 para wakasan ang unang round na may tangang 2-5 baraha.
Nagsubi ng 13 points, giniba ni skipper Marlon Baloran ang harang sa kanilang mithiin, maging ang neophyte na si Ronald Roy ay nagbulsa rin ng 12 points, at si big man Jewel Ponferrada ay tumipa ng 12 points, 8 rebounds at career high 6 blocks para tuluyang wasakin at ibaon sa hulihan ang Falcons.
Samantala tiyak na mag-iinit sa loob ng Big Dome sa pagtatagpo ng mahigpit na magkaribal na Ateneo at DLSU bandang alas-5 ng hapon ngayon.
Ngunit mauuna rito, magtitipan naman ang FEU at UE sa ganap na alas-12 ng tanghali.
At hindi kulay asul o berde ang mangingibabaw sa Big Dome kundi kulay dilaw na siyang isusuot ng mga fans ng dalawang koponan bilang pagbibigay-pugay sa yumaong dating Pangulong Cory Aquino.(Sarie Nerine Francisco)
- Latest
- Trending