Blazers pagbubuntunan ng Bombers
MANILA, Philippines - Desidido sa pagbawi matapos na ilampaso ng karibal na San Sebastian, tatangkain ng Jose Rizal Bombers na makuha ang ikalawang pwesto sa pamamagitan ng pakikipagbuno nito sa St. Benilde sa pang-alas kwatrong laban sa pagpapatuloy ng 85th NCAA basketball tournament sa The Arena, San Juan City.
Bitbit ang sama ng loob nang magapi ng SSC noong Lunes sa iskor na 76-91, babangon ang Bombers at dudurugin ang kalaban upang mapanumbalik ang katatagan ng koponan at tutulak sa parehong karta tulad ng San Beda sa likod ng malakas na kalibre ng San Sebastian na may malinis pa ring marka.
Sa kabila ng patuloy na pagdadalamhati dahil sa pagpanaw ni dating team captain, Jayson Nocom, umaasa si Jose Rizal coach Ariel Vanguardia na malalampasan nila ang pagsubok sa pakikipagtagpo nito sa mapanganib na St. Benilde na kasalukuyang may iniingatang 4-4 baraha.
Samantala, hahangarin ng Arellano U at Perpetual Help na makapag-uwi ng panalo at maidepensa ang tiket para sa Final Four sa nakatakdang bakbakan nito dakong alas-dos. Umani ng talo ang Chiefs makaraang malugmok sa apat na laban na nagbigay ng 2-4 marka habang nagkukumahog rin ang Altas na mapaganda ang 2-5 kartada.
Para manalo, kinakai-langang bumulusok ang laro ni John Wilson makalipas na manamlay ito sa laban kontra Baste kung saan nakapag-impok lamang ito ng 9 points.
Pursigidong maisalba ang koponan, nararapat malimitahan ng Bombers ang malakas na pwersa ng duo nina Jeff Morial at William Johnston na nagtala ng 31 at 21 points ayon sa pagkakasunod, 117-107 double overtime na pana-naig kontra Arellano noong isang linggo. (SNF)
- Latest
- Trending