Naglilitawan na ang mga alaala ni dating Pangulong Cory Aquino mula sa mga taong naka-engkuwentro niya sa mga di-pangkaraniwang pagkakataon.
Bagamat nailathala na ang mga istorya tungkol sa mga kaganapan sa sports kung saan nagtagumpay ang mga atletang Pinoy noong siya ay presidente, may isa pang kuwentong di naisusulat pa, at ito'y hinggil sa isang batang manlalarong dinalaw ni Pangulong Aquino sa ibang bansa.
Apat na taon pa lamang ang nakalilipas mula nang mangibang-bansa si Maui Villanueva, na ngayon ay isang De La Salle Green Archer. Ang 6'4" na forward ay kinilalang miyembro ng Mythical Team ng UAAP juniors noong siya'y nasa UPIS pa. Isang araw, may dinalaw siyang kaibigan sa Reyes Gym, at napansin niyang may try-outs na nagaganap. Ito'y para sa Higashiyama High School sa may Kyoto, Japan.
Nakita si Maui ng isang dati niyang coach, at inanyayahan siyang bumalik kinaumagahan, sa huling araw ng try-out. Kaaapruba pa lamang ng school district ng Kyoto na magkaroon ng pangalawang foreign varsity player ang mga high school sa kanilang distrito, at natunugan ng mga coach na magagaling ang mga manlalarong Pinoy.
Sa kabutihang-palad, si Maui pa ang nakuha, sa loob ng dalawang araw, kailangan na niyang umalis patungong Japan. Biglang maiiwanan ang mga kaibigan at kamag-anak sa unang pagkakataon. Dalawang taong mawawala si Maui, at bahagi ng kanyang scholarship ang isang bisikleta upang maikot niya ang campus.
Nang maisulat ito ng inyong lingkod sa The Philippine Star, tumawag ang isang kasama natin sa hanapbuhay at kasama sa Star na si Joanne Rae Ramirez. Nabasa ni Gng. Aquino ang ulat ng inyong lingkod, at ninais na dalawin si Maui, dahil nagkataong pupunta ang dating pangulo sa Kyoto, at naawa siya kay Maui dahil nag-iisa nga itong bumiyahe.
Laking tuwa ng mga magulang ni Maui, at agad nagawan ng paraan para makadalaw si Gng. Aquino. Nabulabog ang buong paaralan sa Higashiyama High School, dahil malaking karangalan para sa kanila ang madalaw ng isang kinikilalang haligi ng demokrasya sa buong mundo. Nagsilbing malaking inspirasyon ang pagdalaw ni Pangulong Aquino sa bata, at sa buong pamilya niya.
"Hindi kami makapaniwala na ang anak namin ay madadalaw ni President Aquino," sabi noon ni Corinne Villanueva, ina ni Maui. "Nahiya nga kami kasi hindi pa naglalaro si Maui noon. Pero malaki ang naitulong sa kanya ng pagdalaw ni Mrs. Aquino. Naramdaman niyang hindi siya nag-iisa. At nadama namin ang pagiging ina ni President Cory."
Isa lang itong halimbawa kung bakit napakalalim ng pagmamahal ng sambayanang Pilipino kay Pangulong Cory.