BANGKOK—Ang di kilalang taekwondo jin na si Jeffrey Figueroa ang naging pambato ng Team Philippines' matapos nitong makopo ang unang gold medal sa 1st Asian Martial Arts Games nitong Martes ng gabi sa Indoor Stadium Huamark dito.
Dinurog ng 23 gulang na si Figueroa si Rezai Hasan ng Afghanistan, 10-7, sa finals ng men’s bantamweight category na nagkaloob sa mga Filipino jins ng unang Asian gold medal sapul nang mapanalunan ni Ali Atienza ang continental title noong ‘90s.
Nagpamalas din ng impresibong performance sina Marlon Avenido at Karla Jane Alava para sa silver at bronze medal ayon sa pagkakasunod upang ilagay ang Team Philippines sa ninth spot ng 41-nation tourney para sa kabuuang one gold, two silver at two bronze medals sa likod ng mga nangungunang Korea, Kazakhstan at Japan.
Yumukod si Avenido kay Gyu Jin Lee ng Korea, 2-5, para isuko ang gold medal sa men’s welterweight category at natalo naman si Alava kay Iwen Kuan ng Taipei, 0-1, at nagkasya sa bronze medal sa women’s bantamweight category.
Tinapos ni Camille Manalo ang kampanya ng Team sa taekwondo sa 0-7 pagkatalo sa mas matangkad at mas malakas na si Hua Zhang ng China sa quarterfinals ng women’s lightweight category.
Bukod kay Manalo, maaga ring nasibak sa kontensiyon sina John Paul Lizardo (men’s finweight), Alex Briones (men’s heavyweight) at Crizobelle Vargas (women’s finweight).
Ngunit nalukuban ito ng tagumpay ni Figueroa.
Matapos biguin si Muaadh Najiahmed ng Yemen, 7-3, sa quarterfinals, nalusutan naman ni Figueroa ang hamon ng hometown bet na si 2007 Southeast Asian Games gold medalist Nattapong Tewawetchapong, 3-2, para maisaayos ang championship showdown laban sa Afghan jin.
Uuwi ang bansa para maghanda para sa three-week training sa Korea sa Linggo at maiiwan ang mga wushu artists na sina Mary Jane Estimar, Mariane Mariano at Dambert Arcita para kumampanya para sa bansa.
Sumabak sina Olympic medalists Estimar at Mariano kahapon para sa tsansang madagdagan ang gold medals.