MANILA, Philippines - Selyado na ang kapalaran ng No. 2 pick na si Rico Maierhofer, dating La Salle stalwart matapos pumirma ng tatlong taong kontrata sa Purefoods TJ Hotdogs kahapon.
Ang kontrata ni Maierhofer ay nagkakahalaga ng humigit kumulang P9 milyon kung saan sa kanyang unang taon ay tatanggap siya ng maximum salary na P150,000 at sa susunod na taon ay P229,000 at sa kanyang ikatlo at huling taon ay tatanggap ito ng P375,000 kada buwan.
Pinapirma ng Purefoods si Maierhofer, dalawang araw matapos ang PBA draft na ginanap noong linggo sa Market Market sa Taguig, at isang araw matapos ang multiplayer trade kung saan nakuha ng Giants sina Paul Artadi, frontliner Rafi Reavis, ang rookie draftee na si Chris Timberlake at off guard Cholo Villanueva.
Sa naturang three-team trade kung saan naging third party ang Burger King, nakuha ng Gin Kings sina Rico Villanueva, Rich Alvarez, Paolo Bugia at Celino Cruz.
Bilang third party nakuha ng Burger King ang rookie draftee na si Orlando Daroya at dalawang future picks ng Giants.
Hindi pa napapapirma ng Burger King ang kanilang top pick na si Japeth Aguilar ngunit inaasahang pagbalik ng 6-foot 9 na anak ng dating PBA player na si Peter, ay lalagda rin ito ng katulad ng kontratang pinirmahan ni Maierhofer.
Si Aguilar ay ang tanging amateur player na isinama ni national coach Yeng Guiao sa national team na sasabak sa FIBA-Asia Championships na gaganapin sa Tianjin China.
Umalis ang team kahapon, kasama si Aguilar at kailangang maghintay ang Burger King sa pagbabalik ng team bago masiguro ang paglalaro ni Aguilar sa kanila.
Inaasahang pipirma anumang araw sina fifth pick Jervy Cruz at No. 15 pick Marcy Arellano sa Rain or Shine. Ang UST big man na si Cruz ay hinainan ng tatlong taong kontrata habang wala pang offer ang Elasto Painters kay Arellano dahil ikatlo na ito sa guard position sa team.
Inaasahang papipirmahin din ng Burger King ang Fil-Am na si Chris Ross, ang kanilang fourth pick overall, anumang araw. (Mae Balbuena)