ILOILO City, Philippines – Patuloy sa paninilat si Elmer Haya matapos igupo si Warren Kiamco, 10-7, at isaayos ang finals showdown laban kay veteran Rodolfo Luat sa The Manny Villar Cup Iloilo leg sa SM City dito.
Si Haya, gumulantang kay dating world No. 1 Dennis Orcollo sa first round, ay nakarating sa semifinals via 9-8 panalo laban sa isa ring former titlist at veteran internationalist na si Gandy Valle sa quarterfinals noong Sabado ng gabi.
Laban kay Kiamco, nanatili ang winning momentum ni Haya nang ilang ulit niyang pinigilan ang paghahabol ng kalabang veteran ng Southeast Asian at Asian Games, para makarating sa championship round ng prestihiyosong island-hopping series hatid ng Villards: Tulong sa Pagsulong ng Philippine Sports ni Senator Manny Villar.
Nagpamalas ng impresibong performance si Kiamco, isa sa winners ng Villar Cup noong nakaraang taon nang kanyang payukurin si Carlo Biado, 9-2, sa round of eight.
Pinagkait ni Luat, dumispatsa kay former two-time world champion Ronnie Alcano, 9-7, sa quarterfinals kay Lee Van Corteza ang tsansang maging unang back-to-back champion ng tournament na co-organized ng Billiards Managers and Players Association of the Philippines (BMPAP) at kinilala ng Billiards and Snooker Congress of the Philippines (BSCP).
Pinatalsik naman ni Corteza, many-time gold medalist ng Southeast Asian Games, ang tumalo kay Django Bustamante na si Steve Villamil, 9-6, sa quarterfinals ngunit natalo rin kay Luat, 6-9.
Sina Haya at Luat ay nagtatangka ng kanilang unang titulo sa torneo na ayon kay BMPAP president Atty. Vic Rodriguez ay malaking tulong para sa preparasyon ng mga top local players kabilang si pool legend Efren ‘Bata’ Reyes sa kanilang preparasyon para sa 25th Southeast Asian Games sa December 9-18 sa Laos.