Tarcelo, hari sa San Fernando leg
SAN FERNANDO, La Union, Philippines – Agad kumawala si Marson Tarcelo pagkatapos pa lamang ng starting gun upang makopo ang San Fernando leg ng 33rd National Milo Marathon elimination race kahapon na nagsimula at nagtapos sa Provincial Capitol.
Nagsumite si Tarcelo ng oras na 1:15. para sa top prize na P10,000 at makakasama ito sa finals sa ikalawang pagkakataon sapul noong 2006.
“Umpisa pa lang kumalas na ako. Hindi na ako lumingon at tuloy-tuloy yung takbo ko sa finish line,” ani Tarcelo.
Hinabol ni Joel Bengtay si Tarcelo sa kalagitnaan ngunit hindi ito nakatagal at bumitiw din kaya naging magaan ang panalo ni Tarcelo.
Dumating si Bengtay sa finish line, na may tatlong minuto ang layo kay Tarcelo sa oras na 1:18.1, kaya hindi ito umabot sa 1:15 qualifying standard at nagkasya lamang ito sa P6,000 second prize.
Pumangatlo naman si Rommel Flora sa oras na 1:20.04 at tulad ni Bengtay ay hindi rin nag-qualify sa finals at nagkasya naman sa P4,000 third prize.
Nakapasa naman si Flor Carreon, sa qualifying time na 1:35 sa women’s division, sa oras na 1:34 at may kalakip na P10,000 prize.
Nanalo naman si Andy Mendoza sa 10k sa oras na 30.45 at si Jessa Mangsat ang nanalo sa distaff side sa oras na 41.40.
May 4,000 runners, 100 nito ay tumakbo sa main race 21k na binantayan ni race director Rudy Biscocho sa tulong ng city government sa pamumuno ni Mayor Pablo Ortega.
Magpapatuloy ang aksiyon sa Linggo sa Baguio at Tagbilaran na sabay patatakbuhin ang karera na suportado ng Department of Tourism at Bay View Park Hotel Manila.
- Latest
- Trending