Dumarating sa buhay ng isang manlalaro ang pagkakataong siya’y kikinang ng higit pa sa inaasahan, at kung minsan, higit pa sa nagawa na ng iba. Ito ang nangyari sa isang miyembro ng Jose Rizal University Light Bombers noong ika-22 ng Hulyo, at nabura ang mga rekord ng mas tanyag na manlalarong tulad nila Allan Caidic, Bong Alvarez, at maging mga NBA players tulad nila Michael Jordan at Kobe Bryant.
“Noong una, hindi namin napansin na ganoon nga ang nangyayari,” paliwanag ni Light Bombers coach Boy de Vera, na naglaro rin sa dating Jose Rizal College noong dekada 70. “Pero noong halftime na, may 43 points na siya.”
Ang tinutukoy niyang manlalaro ay ang kanilang 5’8” na guard na si Joshua Saret, na sa puntong iyon ay nagtatala na ng 32 puntos bawat laro. Nang mapansin nila ang iskor niya, naisip nila na kaya niyang higitan pa ang naitala ng dating kakamping si Keith Agovida, na gumawa ng 82 sa isang laro noong nakaraang taon.
“Di ko naman po iniisip yung rekord,e. Nilalaro ko lang talaga yung plano ni coach,” sabi ng mahiyaing si Joshua. “Wala naman po akong ginawang bago.”
Sa katunayan, ang napapansin lang ng koponan ay ang kanyang puntos. Hindi nila namalayan na may iba pa siyang rekord na mawawasak.
“Pagdating ng fourth quarter, yung mismong mga statistician ng NCAA ang lumalapit,” dagdag ni de Vera. “Sinasabi nila, tatlong rebound na lang, triple double na, ganoon.”
Nagtapos ang laro na ang tala ng JRU ay 171 puntos, at ang kalabang Angeles University Foundation ay may 43 puntos lamang. Bukod sa 89 puntos ni Saret, digagdagan pa niya ito ng 11 rebound, 12 assist at 13 steal. Quadruple double.
Mula noon, may mga tsismis na dumami ang alok ng ibang paaralan kay Joshua, na itinanggi naman ng bata.
Nang tanungin ng inyong lingkod kung ano ang gusto niyang kurso sa kolehiyo, ang sagot ni Josh, “Management.”
Mabilis na tumugon ang coach. “Kaya lang, lahat ng eskuwelahan, meron nun.”
Magpatuloy kaya si Saret sa JRU?
Abangan.