LAS VEGAS - Nahirapan ang mga Filipina bowlers sa trios ng World Women’s Bowling Championships noong Huwebes dito dahil sa mahirap na lane conditions ayon kay national coach Jojo Canare.
Habang humahataw ang mga teams ng host US, South Korea, Denmark at Colombia nahihirapan naman ang Philippines sa malawak na 60-lane Cashman Center bowling facility at nasa ilalim ng standing matapos ang unang three games ng event.
Gayunpaman, mas maganda ang ipinakita ng troika nina Apple Posadas, Kimberly Lao at Rachelle Leon kaysa sa kanilang mas magagaling na teammates na sina Liza del Rosario, Liza Clutario at Krizziah Taborah, sa naitalang 1,763 pinfalls, para sa 28th place.
May 197 pins ang kanilang layo sa nangunang Colombia, na kinabibilangan ng heart throb na si Juliana Guerrero, na may kahanga-hangang three-game series na 257, 276, 202, para sa high 245 average, para pamunuan ang kanyang team sa 1,960 tally.