MANILA, Philippines - Ang lungsod ng San Fernando (La Union) at Tacloban (Leyte) ang punong-abala sa ika-33rd National Milo Marathon elimination race sa Linggo.
Ang San Fernando, na kilalang “Gateway to the North” ay humatak ng may 4,000 runners habang ang Tacloban naman, ang makasaysayang lugar na pinaglandingan ni Gen. Douglas McArthur ay may 6,000 partisipante.
Ang mga runners mula sa La Union at ibang probinsiya na kasama sa Region 1 ang lalahok sa San Fernando, habang mga runners naman sa Leyte at kalapit na probinsiya na kinapapalooban ng Eastern Visayas ang sasali sa Tacloban.
Ang San Fernando leg ang ikaanim na yugto sa Luzon at ikalawang yugto naman ang Tacloban sa Visayas.
Kapwa tatanggap ng P10,000 ang magkakampeon sa men’s at women’s ng 21K na may kasamang tropeo, habang ang second at third placer naman ay magbubulsa ng P6,000 at P4,000 ayon sa pagkakasunod bukod pa sa pagkakataong mapabilang sa National Finals sa Oktubre sa Metro Manila.
Nagtakda naman ng qualifying time na 1:15 para sa lalake at 1:35 sa babae.
Pagkatapos ng San Fernando at Tacloban, tutungo naman ang hostilidad sa Baguio at Tagbiliran sa Agosto 9.