Boxing gloves ireretiro na ni Rubillar
MANILA, Philippines - Ito na marahil ang pinakahuling world title fight ni Filipino Juanito Rubillar.
Sa pang apat na pagkakataon, muling nabigo ang 32-anyos na si Rubillar na makakopo ng isang world boxing crown matapos matalo kay Mexican world light flyweight champion Giovanni Segura kahapon sa Grand Mayan, Nuevo Vallarta, Nayarit, Mexico.
Mismong ang corner na ni Rubillar ang naghagis ng puting towel kay referee Luis Pabon sa 2:04 sa sixth round bilang simbolo ng pagsuko sa 27-anyos na si Segura.
Halos matumba ang tubong Mati, Davao sa third round nang makatikim ng dalawang sunod na right hook mula kay Segura, matagumpay na naidepensa ang kanyang suot na World Boxing Association (WBA) light fylweight title.
May 46-13-7 win-loss-draw ring record ngayon si Rubillar kasama ang 22 KOs, habang itinaas naman ni Segura ang kanyang kartada sa 21-1-1 (17 KOs).
Si Rubillar ay halos dalawang araw lamang naghanda para sa kanyang laban kay Segura matapos magkaroon ng problema sa kanyang visa si Sonny Boy Jaro (30-7-5, 19 KOs).
Bumiyahe si Rubillar sa mismong araw ng weigh-in ay nagbawas pa ng libra para makapasok sa 108-weight limit.
Natalo si Rubillar kay World Boxing Council (WBC) light flyweight king Edgar Sosa via seventh-round TKO noong Nobyembre 29 ng 2008 at nabigo kay Omar Nino Romero mula sa isang eight-round technical decision noong Hunyo 6 sa kanilang title eliminator. (RCadayona)
- Latest
- Trending