TAIPEI — Muling lumasap ng kabiguan ang Powerade Team Pilipinas sa kamay ng reigning Asian champion Iran sa pagtatapos ng 31st William Jones Cup basketball competition dito na higit pinagdudahan ang kanilang kakayahan sa Asian world qualifier.
Tinanggap ng Nationals ang 60-85 kabiguan laban sa Iranian para wakasan ang kanilang kampanya sa Jones Cup na isang masamang indikasyon sa kanilang kampanya sa FIBA-Asia Championships na nakatakda sa Agosto 6 sa Tianjin, China.
Ang tanong kung papaano iaangat ni coach Yeng Guiao ang Nationals sa mas mataas na porma na pangkompetensiya, gayung 10 araw na lang ang nalalabi bago ang Asian meet.
Tinapos ng Powerade Team Pilipinas ang kanilang kampanya dito sa Jones Cup na may dalawang panalo at may anim na kabiguan para sa ikaanim na puwesto, na siyang pinakamasamang rekord na tinapos ng isang PBA selection sa Jones Cup.
“We’ll go back to Manila tomorrow (today) and we have a week to prepare for Tianjin. In one week, we have to make all the adjustments on offense and defense. We have three players (Jayjay Helterbrand, Mick Pennisi and James Yap) resting and we hope they will be well come August,” wika ni Guiao.
“Iran is really tough to beat. But the important thing for us is to make the next level (quarterfinals),” ani pa ni Guiao.
Samantala, hindi maganda ang araw na iyon para kina Wynne Arboleda at Mick Pennisi. Yumao ang ama ni Arboleda at ang biyenan naman ni Pennisi ay sumakabilang buhay din ilang oras bago ang kanilang laban sa Iran.
Samantala, binigyan ng hanggang Agosto 3 na taning ang Powerade Team Pilipinas kung magkakaroon ng pagbabago sa lineup.