Rubillar vs Segura sa Mexico

MANILA, Philippines - Matapos mabigo sa isang world title fight at title eliminator, muling nabigyan ng pagkakataon si Filipino Juanito Rubillar na makaagaw ng isang world boxing crown.

Nakatakdang hamunin ni Rubillar si Mexican world light flyweight champion Giovanni Segura ngayon sa Grand Mayan, Nuevo Vallarta, Nayarit, Mexico.

Ang 32-anyos na tubong Mati, Davao ang naging kapalit ni Sonny Boy Jaro para labanan ang 27-anyos na si Segura, ang kasalukuyang World Boxing Association (WBA) light fylweight king.

Ang 27-anyos na si Jaro, may 30-7-5 win-loss-draw ring record kasama ang 19 KOs, ay nagkaroon ng problema sa kanyang visa.

Dadalhin ni Rubillar, natalo kay World Boxing Council (WBC) light flyweight king Edgar Sosa via seventh-round TKO noong Nobyembre 29 ng 2008 at nabigo kay Omar Nino Romero mula sa isang eight-round technical decision noong Hunyo 6 sa kanilang title eliminator, ang 46-12-7 (22 KOs) slate, samantalang ibinabandera ni Segura ang 20-1-1 (16 KOs).

Ito ang pang apat na pagkakataon na susubukan ni Rubillar na makapag-uwi ng isang world boxing belt.

Samantala, posible namang dalhin sa Hawaii sa Agosto 29 ang unang title defense ni Brian “The Hawaiian Punch” Viloria laban kay Jesus Iribe.

Dinadala ni Viloria, ang bagong International Boxing Federation (IBF) light flyweight ruler, ang 25-2-0 (15 KOs) card kumpara sa 15-5-5 (9 KOs) ni Iribe.

Tinalo ni Viloria si Mexican Ulises “Archie” Solis via 11th-round TKO noong Abril para agawin sa huli ang suot nitong IBF belt. (Russell Cadayona)


Show comments