MANILA, Philippines - Humugot nang mala-king suporta mula sa bench, matagumpay na nadagit ng Ateneo Blue Eagles ang ikatlong sunod na panalo, 93-77 kontra UST Tigers sa pagpapatuloy ng 72nd UAAP men’s basketball tournament sa PhilSports Arena kahapon.
Sumandig sa husay ni reigning MVP Rabeh Al-Hussaini, naiposte ng Eagles ang solong liderato sa liga.
Katuwang ang nagba-balik na si Eman Monfort, nakapaglista ang 5’6 guard ng kanyang career high 20 points na tumulong sa pag-angkin ng koponan sa solong liderato ng torneo.
Dahil sa kanyang mighty comeback, naging malugod si Ateneo coach Norman Black na napunan ng masigasig na si Monfort ang kanyang pagkawala ng isang taon sa poder ng Blue Eagles.
Bumira ng tres sa first half, naiposte ng Ateneo ang 52-32 bentahe.
Para sa pananaig, nakapag-ambag rin sina Ryan Buenafe at Eric Salamat ng tig-14 puntos, habang 13 puntos at 4 rebounds naman ang naisubi ni Al-Hussaini matapos ang 21 minutong inilagi sa laro dahil sa foul trouble.
Nakahugot rin ng pinagsamang 17 points sina Salva, Tiongson at Chua para kubrahin ang malinis na baraha.
Sa kabilang banda, humablot ng 20 points si Allen Maliksi para sa UST Tigers, habang mayroon ring 17 at 13 points sina Dylan Ababou at Khasim Mirza, ayon sa pagkakasunod.
Sa naunang laro, umahon mula sa pagkabigo ang University of the East nang walisin nito ang National University sa pamamagitan ng 73-59 bentahe.
Sa pamumuno ni Pari Llagas na nagpakawala ng 16 points, nasikwat ng UE ang ikalawang panalo sa tatlong asignatura.
Tumulong sa pagkana, bumulsa ng 14 points si Paul Lee na binigyan pa ng 14, 12, 12 at 11 points nina Rudy Lingganay, Val Acuna at Elmer Espiritu.
Bumulusok rin ang kalibre ni NU Bulldog, Melvin Baloran nang magpasiklab ito ng kanyang 15 points, subalit agad na naapula ng UE. Nalaglag ang Bulldogs na may 1-2 kartada. (Sarie Nerine Francisco)