SSC nakisosyo sa JRU

MANILA, Philippines - Naging malaking tulong ang mahabang bakasyong naranasan ng San Sebastian sa pagkubra ng panalo, nang buwagin nito ang Emilio Aguinaldo, 87-73 kahapon sa pagpapatuloy ng 85th NCAA basketball tournament sa The Arena, San Juan City.

Pinamunuan ng mga beterano, matagumpay na nailista ng Stags ang pananaig na nagbunga ng pakikisalo nito sa Jose Rizal sa liderato.

Nangibabaw para sa bataan ni Ato Agustin ang husay nina Calvin Abueva at Pamboy Raymundo na tumirada ng 17 at 16, ngunit naging kagila-gilalas ang buslo ni Jimbo Aquino na nagsalba sa Stags.

“I’m glad my veteran guys made the big plays in the end,” wika ni former PBA MVP Agustin.

Sinubukang makahabol, nag-ambag ng 20 points, 7 assists, 5 rebounds, 4 steals si Argel Mendoza, ngunit nakakalungkot na ito pa rin ang ikaapat na sunod na pagkatalo ng EAC.

Kinumpleto naman ng three-peat champion San Beda ang araw ng pananalasa nang ilampaso ng Red Lions ang Perpetual Help, 98-65 upang manatili sa ikatlong puwesto a may 4-1 marka.

Nalaglag naman ang Altas sa nalasap na ikaapat na kabiguan laban sa isang panalo

Para sa juniors, pinakitaan ng San Beda ang Perpetual Help nang ibaon ito sa 102-87 upang iposte ang 4-9 kartada. (SNFrancisco)

Show comments