Arboleda kasali na sa Powerade Team Pilipinas na sasabak sa Jones Cup

Dahil kapwa may nararamdaman pa sina Jayjay Helterbrand at Ryan Reyes, isinama sa lineup ng Powerade Team Pilipinas si Burger King chief playmaker Wynne Arboleda na lalahok sa Jones Cup sa Taipei simula sa Sabado.

Sinabi din ni RP coach Yeng Guiao na maaari ding maglaro hanggang FIBA-Asia championship sa Tianjin, China sa Agosto si Arboleda kung hindi pa gagaling sina Helterbrand at Reyes.

Kailangang isumite ni Guiao at ng kanyang staff ang pinal na listahan ng 12 players para sa Tianjin bago mag- July 22, ang huling araw na pagsusumite.

Gayunpaman, umaasa pa rin si Guiao sa paggaling nina Helterbrand at Reyes dahil naniniwala itong malaki ang maitutulong nila sa koponan para makabilang sa top three sa Asian championships para naman sa slot sa world meet sa Turkey sa susunod na taon.

Sina Reyes at Helterbrand ang natatanging legitimate point guards sa original RP pool. (Nelson Beltran)


Show comments