MANILA, Philippines – Upang masolo ang liderato sa 85th NCAA basketball tournament, aasintahin ng Jose Rizal U ang panalo sa pakikipagtipan nito sa mabagsik na guest team na Arellano University bukas bilang unang laro ng seniors na gaganapin sa The Arena, San Juan City.
Tabla sa liderato na may 3-0 baraha, susubukang maungusan ng Bombers ang San Sebastian Stags sa pagpuntirya ng ikaapat na sunod na pamamayani sa pamamagitan ng paggupo sa Chiefs, bandang alas dos ng hapon.
Subalit hindi naman basta basta patatalo ang Arellano U matapos mapatunayan ang sarili nang walisin ang multi-talented Letran 81-73, noong Hulyo 11.
Bagamat malakas na koponan, ang maigting na diskarte ni JRU coach, Ariel Vanguardia ang nagpapanatili ng kamandag ng grupo.
“I always tell my players to show respect to all the opponents we will face. Arellano is no exception,” ani Vanguardia.
Habang nagsasaya sa sunod sunod na tagumpay, kabilang ang pananaig sa Emilio Aguinaldo, 83-69, kasalukuyan namang nagpapagaling ang Arellano sa tinamong sugat ng kabiguan sa kamay ng three peat champion na San Beda.
Dahil dito, mas malakas na pwersa ang ilulunsad ng grupo upang makaahon.inaasahang pipigilan ng bataan ni Junjie Ablan ang pagsustine ng puntos nina John Wilson at James Sena na kapwa nagbandera ng doubles figures sa laban.
Samantala, gutom pa rin sa panalo, susubukang masungkit ng Perpetual Help ang una nitong panalo sa pakikipagtagpo nito sa Angeles U Foundation dakong alas-4 ng hapon na tumatarget din ng tagumpay matapos malaglag sa tatlong laban. (SNFrancisco)