TANAY, Rizal, Philippines — Magiting na nilusob ni Rey Martin, isang di-gaanong kilalang siklista na may malaking pangarap, ang malakas na ulan upang mapagwagian ang opening leg ng three-day tryout ng Integrated Cycling Federation of the Philippines (PhilCycling) dito.
Pinalakas ng kanyang karanasan sa nagdaang Padyak Pinoy Tour, nagpamalas ng potensiyal ang 21 anyos na tubong Sta. Rosa, Nueva Ecija na maging isang malaking bituin sa mga hinaharap na karera nang umatake ito sa kabundukan ng Sierra Madre at sorpresang mag-isang tumawid sa finish line.
Binaybay ni Martin, na pang-18th lamang sa Tour, ang 160.2-k vna nagsimula sa Baras at nagtapos sa Pililia sa bilis na apat na oras, 15 minuto at 16 segundo at palakasin ang tsansa bilang kandidato sa isa sa slots ng Philippine team na lalahok sa Laos SEA Games sa Disyembre.
Ang ikalawang tryout sa ilalim na bagong liderato ng PhilCycling president na si Mikee Romero, ay gaganapin sa Linggo na ang plano ng dating Asian Gamer na si Col. Arnold Taberdo na siya ring race director na higit na hamon ang ibigay sa karera.
Ang unang yugto-- na humatak ng 77 na lalaking siklista at isang babaeng siklista na si Maruja Lucas, ay dalawang round na counter clockwise race gamit ang ruta ng Mabitac at Bugarin.
“So far, so good, but I hope more riders will take part in the next tryout. This tryout is for the country,” ani Romero.
Pumangalawa naman si Benito Lopez Jr. ng Bulacan (4:39.41) at Eugenio Gomez ang ikatlo (4:41.17).
Nakisosyo sa eksena ang 18 anyos na si Alvin Orosco ng Teresa, Rizal na nanguna sa juniors category na dumaig kina Dino Hipolito ng Marikina at Edmundo Nicolas.