Mas mabigat na kalaban ang Kiwis-Mamiit
MANILA, Philippines – Kumpara sa Pakistan, inaasahan ni top Philippine tennis player Cecil Mamiit na ipapadala ng New Zealand ang kanilang pinakamahuhusay na netter para sa kanilang Davis Cup Asia-Oceania Group II finals sa Setyembre 18-20.
“It will be a very tough fight because I’m pretty sure that they will come up with their best players,” wika ng 33-anyos na si Mamiit sa New Zealand.
Itatampok ng New Zealand, winalis ang kanilang second-round tie kontra Malaysia, 5-0, at Indonesia, 5-0, sina Danile King-Turner, G.D. Jones at Jose Mikal Statham.
Para ayusin ang kanilang finals ng New Zealand, iginupo ng RP Team ang Pakistan, 3-2, kamakalawa sa Philippine Columbian Association (PCA) indoor claycourt sa Paco, Manila.
Sina Mamiit at Treat Conrad Huey ang nagbigay sa RP Team ng 2-0 abante laban sa Pakistan mula sa kanilang panalo kina Jalil Khan, 6-1, 6-2, 6-1, at Aqeel Khan, 6-4, 7-5, 6-2, sa singles event noong Biyernes.
Tuluyan nang sinibak ng mga Filipino netters ang mga Pakistanis nang humataw sina Mamiit at Huey ng isang 6-2, 6-4, 6-0 straight sets win kina Aqeel at Jibran Muhammadi sa doubles noong Sabado.
Tinapos ng Pakistan, hindi nakuha ang serbisyo ni top netter Aisam Qureshi, ang kanilang kampanya mula sa panalo nina Aqeel at Jalil kina PJ Tierro, 6-1, 7-6 (7), at Francis Casey Alcantara, 6-1, 7-6 (7), ayon sa pagkakasunod sa non-bearing reverse singles.
“It will be tough for sure. But we a have good chance. We beat them, 4-1, in Auckland two years ago and I think they have a new team now,” ani Mamiit sa New Zealand.
Binigo ni Mamiit si Rubin Stantham, 6-4, 6-4, 6-4 at tinalo ni Eric Taino si Simon Rea, 6-1, 6-2, 6-4, sa semifinals para sa Group 2 ng Asia-Oceania noong Abril 6, 2007 sa Parnell Club Courts.
Ang mananalo sa serye ng RP Team at New Zealand squad ang siyang aakyat sa Group 1 sa susunod na taon. (Russell Cadayona)
- Latest
- Trending