MANILA, Philippines - Matapos talunin ang Pakistan, magbabalik sa United States sina Cecil Mamiit at Treat Conrad Huey para ipagpatuloy ang kanilang pagsabak sa ilang torneo.
Ito ang sinabi kahapon ni Philippine Lawn Tennis Association (PHILTA) coordinator Randy Villanueva sa opisyal na pagtatapos ng Davis Cup Asia-Oceania Group II second-round tie sa Philippine Columbian Association (PCA) indoor claycourt sa Paco, Manila.
"Cecil and Treat will be back in the US because they have some tournaments to join there," wika ni Villanueva sa 33-anyos na si Mamiit at sa 23-anyos na si Huey.
Sina Mamiit at Huey ang nagbigay sa RP Team ng 2-0 lamang kontra Pakistan.
Mula sa kanilang panalo kina Jalil Khan, 6-1, 6-2, 6-1, at Aqeel Khan, 6-4, 7-5, 6-2, sa singles event noong Biyernes.
Tuluyan nang iginupo ng mga Filipino netters ang mga Pakistanis nang umiskor sina Mamiit at Huey ng isang 6-2, 6-4, 6-0 straight sets victory kina Aqeel at Jibran Muhammadi sa doubles noong Sabado.
Bumangon naman sina Aqeel at Jalil mula sa kani-kanilang kabiguan sa pamamagitan ng 6-1, 7-6 (7) tagumpay kay PJ Tierro at 1-6, 7-6 (8), 6-3 pagtakas kay Francis Casey Alcantara sa non-bearing reverse singles.
Isinara ng RP at Pakistan ang kanilang best-of-five tie sa 3-2.
Ang naturang panalo sa Pakistan ang nagtakda sa laban ng mga Pinoy netters sa mga Kiwis ng New Zealand na tumalo sa Indonesia, 3-0, sa kanilang second-round tie.
"The New Zealand team is a strong team but we are favored because we have the hometown crowd as well as the playing court na lalaruin natin dito sa Pilipinas," sabi ni Villanueva.
Tinalo na ni Mamiit si New Zealand bet Rubin Stantham, 6-4, 6-4, 6-4, sa semifinals para sa Group 2 ng Asia-Oceania noong Abril 6, 2007, habang binigo ni Eric Taino si Simon Rea, 6-1, 6-2, 6-4, sa Parnell Club Courts.
Ang mananaig sa pagitan ng RP at New Zealand ang siyang aabante sa Group 1 sa susunod na taon.
Inaasahang dadalhin ng PHILTA ang New Zealand squad sa PCA Indoor claycourt kung saan tiyak na mahihirapan ang mga Kiwis.
Mula sa pagkakabilang sa Group 1 noong 2008, nahulog ang mga Filipino netters sa Group 2 makaraang matalo sa mga koponan ng Japan, Kazakhstan at Uzbekistan. (Russell Cadayona)