MANILA, Philippines - Magtatagpo ang three peat champion San Beda at St Benilde upang makauna sa laban at pumantay sa Jose Rizal at San Sebastian na kasalukuyang naluluklok sa tuktok na posisyon sa ganap na alas dos ng hapon sa pagpapatuloy ng 85th NCAA basketball tournament sa The Arena, San Juan City.
“St. Benilde has improved, we can’t take them for granted,” anang San Beda coach Frankie Lim, na syang lumampaso sa kalaban noong nakalipas na engkwentro.
Samantala, sa tampok na laban maghaharap ang Mapua at Letran na kapwa sabik sa panalo sapagkat natengga sa huling pwesto na may 1-2 kartada.
Matatandaang pinaluhod ng Lions ang Arellano University nang sunggaban nito ang panalo sa pamamagitan 102-74 kung saan nagpasiklab si Garvo Lanete na nagbigay ng 20 points produksyon, katuwang ang double digits na kontribusyon ng iba pang kaalyado.
Isang dikdikang labanan naman ang inaasahan ni Letran mentor Louie Alas sa kabila ng kakulangan ng serbisyo nina Kelvin dela Pena, Neil Pascual at Tan Mazo.
“They’re struggling but they’re still a tough team to beat, we have to be focused against them,” wika ni Alas.
Habang aasahan rin ang pag-arangkada ni Smart Gilas Pilipinas veteran na si RJ Jazul matapos makapag-ambag ng bumubulusok na 24 points, 5 rebounds at five assists sa nakalipas na laban.
Ang buong pwersa naman ni Mapuan Mark Acosta ang magtataguyod sa kampanya ng grupo makaraang magsubi ng 21 points, 7 boards at 4 assists. (Sarie Nerine Francisco)