Awit pangkaarawan
Ipagdiriwang sa Martes ang kaarawan ng pinuno ng Sama-hang Basketbol ng Pilipinas at Amateur Boxing Association of the Philippines na si Manny Pangilinan.
Noong Biyernes sinimulan na ang pagdiriwang sa isang salu-salo sa Mandarin Oriental sa Makati City. Mga 300 bisita ang nagbigay-pugay sa kilalang negosyante at chairman ng PLDT-Smart.
Bilang pagbibigay-salamat sa kanyang naitulong sa sports, at pagiging inspirasyon sa ating mga kababayan, pinagtulungan ng Sabado Boys, sa pangunguna ni Jimmy Bondoc, at ng inyong lingkod ang paglikha ng awit halaw sa mga kaisipan na ipinamahagi ni Ginoong Pangilinan sa mga iba-ibang okasyon kung saan siya naanyayahang magsalita.
Marami siyang mahalagang mensahe, tulad ng pagwawagi sa tamang paraan, pananagot sa sarili, at pagiging makabayan.
Nang patugtugin ng Sabado Boys ang awit sa kanilang programa sa Wave 89.1 kahapon ng umaga, marami ang nagbigay ng reaksyon na nakakagaan daw ng kalooban ang simpleng hamon ng awiting pinamagatang “Lahat tayo, MVP.”
Simple lang ang mensahe ng awit: kahit hindi madali ang mga hamon ng buhay, kung magtitiyaga lamang tayo at maniniwala na tama ang ating ginagawa, magtatagumpay pa rin tayo. At bagamat sports ang lingguwaheng ginamit, angkop ito sa pang-araw-araw na situwasyon.
Maligayang kaarawan, MVP.
* * *
Lahat Tayo, MVP
Minsan, mahirap lumaban
Pag di patas ang labanan
Manindigan at magwagi sa tamang paraan
Lahat tayo, pantay isinilang
Di mahalaga pinagmulan
Mas matimbang ang sipag at kakayahan
Huwag umatras, huwag umayaw
Matindi ang laban ng ating buhay
Lakasan mo pa ang paghataw
Naghihintay ang tagumpay
Chorus:
MVP tayong lahat (Lahat tayo, MVP)
MVP tayong lahat (Ako mismo, MVP)
Sa paligsahan ng buhay
Huwag na huwag kang mananamlay
Kung ang lahat, ibibigay
MVP ka habambuhay
(Lahat tayo, MVP)
(Ako mismo, MVP)
Sa sarili ka lang mananagot
Pagtingin mo sa salamin
Lumaban ka. Anumang kailangang harapin
Wala namang nagsabing madali
Na bawat laro’y ipagwagi
Kinaya ng iba, ikaw ba’y bida rin o hindi
- Latest
- Trending