3-0 para sa Pinoy netters
MANILA, Philippines - Hindi na hinayaan ng Philippine Team na maka-singit ng panalo ang bisitang Pakistan.
Magaang na iginupo nina Fil-Americans Cecil Mamiit at Treat Condrad Huey sina Aqeel Khan at Jibram Muhammadi via straight sets, 6-2, 6-4, 6-0, sa doubles event para tuluyan nang walisin ang kanilang Davis Cup Asia-Oceania Group II second-round tie kahapon sa Philippine Columbian Association (PCA) indoor claycourt sa Paco, Manila.
Nangailangan lamang sina Mamiit at Huey ng isang oras at 32 minuto para talunin sina Khan at Muhammadi at pormal na wakasan ang kanilang best-of-five tie sa bisa ng 3-0 iskor.
Nauna nang inilista ni non-playing team captain Chris Cuarto sina junior standouts Francis Casey Alcantara at PJ Tierro para labanan sina Khan at Muhammadi sa doubles.
Ngunit mas minabuti ni Cuarto na huwag nang bigyan ng tsansa ang mga Pakistanis, nanggaling sa 4-1 paggupo sa Oman sa kanilang second-round tie na tinampukan ni Aisam Qureshi.
“Mas magandang tapusin na natin agad para makapag-relax na ang mga players natin kaya we decided na sila na lang ang palaruin namin sa doubles,” wika ni Cuarto kina Mamiit at Huey.
Kumolekta sina Mamiit at Huey, nagbida rin sa 4-1 panalo ng Nationals sa Hong Kong noong Marso, ng kabuuang 33 winners na tinampukan ng tatlong aces at anim na break points.
Nauna nang tinalo ng 23-anyos na si Huey si Khan, 6-4, 7-5, 6-2, at binigo naman ng 33-anyos na si Mamiit si Jalil Khan, 6-1, 6-2, 6-1, sa singles event noong Sabado.
“I’m very happy to win this tie," ani Cuarto. "They really played well and we are hoping to bring this momentum in the next phase.“
Ang naturang tagumpay sa Pakistan ang nagtakda sa RP Team para sa promotional tie laban sa mananalo sa pagitan ng Indonesia at New Zealand kung saan hawak ng huli ang 2-0 bentahe sa kanilang second-round tie.
Samantala, sasagupain naman ni Tierro si Jalil ngayong alas-3 ng hapon, samantalang makakatagpo ni Alcantara, ang Australian Open doubles champion, si Aqeel sa alas-5 para sa non-bearing na reverse singles matches.
Sa kabuuan, itinala ng Pilipinas ang 5-1 lamang sa Pakistan sa kanilang head-to-head match.
Kasama na rito ang 4-1 panalo noong 2007 sa Rizal Memorial Tennis Center. (Russell Cadayona)
- Latest
- Trending