UAAP sasambulat na ngayon
MANILA, Philippines - Magsisimula na naman ang isang giyera sa collegiate league at bitbit ang malawakang kampanya para sa titulo, ilulunsad ng De La Salle University sa pamamagitan ng unang pasiklab nito sa pakikipagbuno kontra University of the East sa opening day ng 72nd UAAP basketball tournament sa Big Dome.
Para iabante mula sa nakaraang posisyon noong nakaraang taon, ipaparada ng Archers ang 6 na baguhang rookie na pinangungunahan ni Arvie Bringas na nakapagbigay ng malaking kontribusyon para sa four peat ng San Sebastian sa NCAA juniors division.
Subalit dahil sa tinamong groin injury, inaasahang hindi mailalabas ni Bringas ang 100 porsyento nang kanyang husay sa nakatakda nitong paghamon sa University of the East, dakong alas-4 ng hapon.
Ngunit, inaasahang magniningning pa rin upang ipakilala ang sarili sa pinakapopular na collegiate league.
“It reminds me of my 2003 rookie class,” ani La Salle coach Franz Pumaren. “But I can only compare them only after the season because my rookies now still have to prove themselves.”
Dahil sa pagkawala ng top scorer at rebounder na sina JV Casio at Rico Maierhofer mangangapa ang grupo ni Pumaren datapwat aasa pa rin sa pwersa ng mga datihang manlalaro na sina PJ Barua, Bader Malabes, Hyram Bagatsing, Simon Atkins, Indonesian Ferdinand at Joshua Webb.
At sasabak rin ang neophytes na kinabibilangan nina Utien Andrada, Gab-riel Banal, Jed Manguera, Samuel Marata at Joseph Tolentino.
Para naman sa kampo ng UE Warriors, isang matinding bakbakan ang ibibigay nila sa La Salle.
“I let my players travel the world to relax their minds because I know when the UAAP starts, its going to be war,” ani coach Lawrence Chongson na pumalit sa trono ni Dindo Pumaren.
Agad rin sasabak ang kapana-panabik na showdown sa pagitan ng 2006 champion Santo Tomas at Adamson.
Para sa Tigers, magiging apektado ang grupo na nangungulila sa serbisyo ni 2007 MVP Jervy Cruz habang napanatili ang de kalibreng sina Marc Agustin at Paul Gonzalgo para sa arangkada ng Falcons sa unang araw ng UAAP.
“I’ll probably rely heavily on my best guy this season,” wika ni UST mentor Pido Jarencio na tinutukoy ang Smart Gilas Pilipinas hotshot na si Dylan Ababou.
“We have high hopes this season because we not only have an intact line-up, we also got to practice for a whole year,” pangontrang pahayag naman ni Adamson mentor Leo Austria.
Sa linggo, nakatakda namang mag-umpisa ang aksyon sa pagitan ng State U at National U sa ganap na alas dos na agad susundan ng pakikipagtipan ng Ateneo sa FEU dakong alas kwatro ng hapon.
Sa pangunguna ni FEU president, Lynda Echaus, pormal na bubuksan ang naturang torneo bandang ala-una ng hapon na may temang “One Color, One Goal”. (Sarie Nerine Francisco)
- Latest
- Trending