MANILA, Philippines - Isang panalo na lamang ang kailangan ng Philippine tennis team upang tuluyan nang walisin ang kanilang Davis Cup tie ng Pakistan.
Kagaya ng dapat asahan sa kanya, magaang na iginupo ni Cecil Mamiit si Jalil Khan, 6-1, 6-2, 6-1, habang binigo naman ni Treat Conrad Huey si Aqeel Khan, 6-4, 7-5, 6-2, para sa Asia-Oceania Zone Group II second-round tie kahapon sa Philippine Columbian Association (PCA) indoor courts sa Paco, Manila.
Ang panalo ng parehong Fil-Am netters na sina Mamiit at Huey ang nagbigay sa bansa ng 2-0 abante laban sa bumibisitang Pakistan squad.
Samantala, sasagupain naman nina junior standout Francis Casey Alcantara at PJ Tierro sina Jalil at Jibran Muhammadi sa doubles event na posibleng maging susi sa tagumpay ng Nationals sa kanilang best-of-five tie ng Pakistanis.
Nakatakda ang doubles match ngayong alas-3 ng hapon.
Makakaharap naman ng 33-anyos na si Mamiit si Aqeel bukas ng alas-3 ng hapon para sa unang reverse singles bago ang salpukan nina Huey at Jalil para sa pagtatapos ng kanilang best-of-five tie.
Kaagad na ginamit ni Mamiit ang kanyang lakas sa baseline upang dominahin si Jalil simula sa first hanggang sa third frame.
Sinamantala naman ng 23-anyos na si Huey ang kanyang kasa-nayan sa clay court para talunin ang beteranong si Aqeel, No. 733 sa buong mundo.
Ito ang unang tagumpay ni Huey sa singles event sa Davis Cup tie matapos makatikim ng kabiguan sa Hong Kong noong Marso kung saan nanaig ang RP Team sa bisa ng 4-1 tagumpay.
Lubhang nahirapan si Aqeel, halos 11 taon nang kumakatawan para sa Pakistan sa iba’t ibang international tournaments kagaya ni Aisam Qureshi, sa paglalaro sa clay court.
Ang six-footer at world No. 288 na si Qureshi ay kasalukuyang kumakampanya sa Campbell’s Hall of Fame Tennis Championships sa Rhode Island.
Ang mananaig sa labanan ng RP Team at Pakistani squad ang siyang sasagupa sa magtatagumpay sa banggaan ng Indonesia at New Zealand para sa promotional spot sa Group 1 sa Setyembre. (Russell Cadayona)