MANILA, Philippines – Puntirya na makasalo sa tuktok ang San Sebastian, inaasahang dodominahin ng Jose Rizal Bombers ang laban kontra Emilio Aguinaldo College na wala pang napapatunayan sa 85th NCAA basketball tournament na gaganapin bukas sa The Arena, San Juan City.
Matapos madaig ang isa pang kulelat sa liga, naiangat ng Bombers ang posisyon nang daigin ang Perpetual Help Altas para sa 2-0 kartada.
Dahil dito, inaasahang ilalakad nito ang ikatlong sunod na panalo sa pakikipagtipan nito sa Gene-rals, dakong alas kwatro ng hapon.
Kung sakaling madispatsa ang kalaban, walang duda na malakas ang kalibre ng Jose Rizal at magbubunga na makasama sa liderato ang mabagsik na koponan ng San Sebastian na may 3-0 bentahe.
Sanhi nito, nararapat pagtuunan ng pansin ang bawat laban upang mapanatili ang pwersa sa pagsuporta ng layunin ng koponan.
“Sustaining our composure every game would be vital in our campaign,” ani coach Ariel Vanguardia na naglalayon na masungkit ang titulo buhat sa matagal nang pagkauhaw sa kampeonato buhat noong 1972.
Samantala, matalas ang mata ng Angeles University Foundation sa pagsunggab ng isa pang panalo matapos walisin ang EAC noong Linggo, 88-75, sasagupain ang mapanganib na Mapua na umaasam na masundan ang pagwawagi sa pang-alas dos na engkwentro.
Para sa Great Danes, hindi alintana ang mahabang biyahe ng tropa, sulit ang pagod maibuhos lamang ang buong lakas sa paglalaro at makahirit pa ng isang pananaig sa torneo.
Para ipagtanggol ang magandang rekord, pa-ngunahing manlalarong sasandigan ni Vanguardia ay ang foursome Bombers na sina Mark Cagoco, James Sena, John Wilson at Marvin Hayes.
Makalipas na bumandera, tumatak ang magandang performance ni Wilson na tumapos ng 19 points, 7 rebounds, 3 steals at 2 assists, habang malaki rin ang naitulong ng 16 points produksyon ni Cagoco.
Maging ang 14 points, season high 18 rebounds, 8 assists at block ni Sena, at 11 points at 8 boards ambag ni Hayes ang tumibag sa buong pwersa ng Perpetual Help.
“They’re our veterans, we rely heavily on them,” papuring pahayag ni Vanguardia. (SNFrancisco)