Ang akala ng ilan nating kaibigang nakapanood sa laro ng San Sebastian Stags at San Beda Red Lions noong nakaraang linggo’y may inaaway si coach Renato Agustin sa kanyang mga manlalaro.
Kasi, itinutok ang camera sa huddle ng Stags sa dying seconds nang tumawag ng timeout si Agustin at nakalalamang na ang Stags sa Red Lions. Narinig ng lahat na kinakastigo ni Agustin si Gilbert Bulawan matapos na tumira pa ito imbes na ubusin na lang ang oras.
“Hindi kita inaaway. Tinuturuan ka lang namin,” ani Agustin kay Bulawan.
Sa totoo lang, hindi na nga dapat tumawag ng timeout si Agustin dahil sa halos won game na iyon at nakakahiya naman kay San Beda coach Frankie Lim. Pero kailangan niyang pagsabihan ang kanyang player, right there and then. Hindi na niya puwedeng ipagpaliban pa ang pagpapaliwanag sa kanyang mga manlalaro. Kasi, ayaw na niyang maulit pa ito.
Kumbaga’y alam ni Agustin ang kanyang ginagawa at ito ay pinauunawa niya sa kanyang mga bata.
Well, kahit baguhan si Agustin bilang coach, nirerespeto siya. At dapat respetuhin!
Kasi nga’y marami na siyang napatunayan bilang player. Naging Most Valuable Player siya sa Philippine Basketball Association. Siyempre, ambisyon din ng mga college players na masundan ang yapak ng manlalarong tinaguriang “Atom Bomb.”
Unti-unti’y pinangingilagan ang Stags at si Agustin. Aba’y “big fish’ang kanilang naigupo. Biruin mo’ng tinalo nila ang San Beda, 83-77.
Aba’y bago nagsimula ang 85th season ng National Collegiate Athletic Association (NCAA) ay marami ang nagpalagay na mahirap tibagin ang Red Lions lalo’t may kapalit si Sam Ekwe sa katauhan ng Amerikanong si Sudan Daniel.
At saka iilan lang ang nagsabing malayo ang mararating ng Stags. Ang tinitignan nga ng karamihan na makakalaban ng Red Lions sa Finals ay ang Jose Rizal Heavy Bombers dahil sa intact ang line-up ni coach Ariel Vanguardia.
Pero ngayong tinalo ng Stags ang Red Lions, aba’y marami ang nagsasabing may asim nga ang koponan ni Agustin at puwedeng magtala siya ng Cinderella finish kagaya ng nagawa ni Alfredo Jarencio na naghatid sa University of Santo Tomas Growling Tigers sa kampeonato sa kanyang kauna-unahang season bilang head coach sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP).
Hindi pa marahil iniisip ni Agustin ang mga bagay na iyan. Mahaba kasi ang double round elims at napakara-ming game pa ang kanilang lalaruin.
Ang mahalaga’y sa umpisa pa lang ay nababatid na ng kanyang mga manlalaro ang kanyang estilo at sumusunod sila sa kanyang ipinagagawa. Iisa lang naman ang kanilang misyon at kung magtutulungan at magkakaintindihan sila, baka sakaling magtagumpay sila.