MANILA, Philippines - Higit na nagpamalas ng husay at katatagan ang Cagayan Carabaos at tibay ng dibdib nang talunin ang Alabang Tigers, 4-3, at hirangin kampeon ng Junior Baseball Philippines na nilaro nitong Sabado sa Rizal Memorial Baseball Stadium.
Umiskor ng dalawang runs ang Carabaos sa ibabaw ng seventh inning na sapat na para maisantabi ang ginawang dalawang runs ng Tigers sa huling palo upang maging kampeon sa liga nang hindi natatalo matapos ang walong laro.
May dalawang hits lamang sa pitong inning game ang Carabaos pero ang huling hit nga mula kay Tsuyoshi Horibata laban sa relief pitcher na si Carlo Munoz ang nagpapasok kay Brian Lumbres na tumuntong dala ng base on ball.
Nangibabaw din ang Carabaos sa mga ibinigay na individual awards at si Plaza nga ang inilagay bilang Finals MVP habang ang catcher na si Nelson Salazar ang Series MVP.
Hinirang bilang Best Hitter si Lumbres, si Horibata bilang Best Pitcher at si Mercado bilang Best Team Manager.
Si Dio Remollo naman ang Homerun King sa dalawang home-runs kasama ang kauna-unahang homer sa Rizal Memorial Baseball Stadium mula sa isang junior player.
Pinasalamatan naman ni Community Sports Inc. marketing manager Chito Loyzaga ang mga sumuporta sa matagumpay na Series V Baseball Philippines at unang Junior Baseball Philippines kasabay ng pagtitiyak na gagawa ng inobasyon ang pamunuan kasama ang mga team owners para sa mas makinang na bagong season na sisimulan sa Oktubre 17.