2 batang Pinoy swimmer pasok sa youth Olympics
SINGAPORE — Dalawang Pinoy swimmer ang nakapasa sa youth Olympic Games sa susunod na taon matapos makapasa ang kanilang oras sa qualifying standards sa kani-kanilang event kahapon sa 1st Asian Youth Games sa Singapore Sports School dito.
Naorasan si Jasmine Alkhadi ng 59.87 seconds sa qualifying heat ng 100-meter freestyle girls upang pumasa sa qualifying mark na 1:00.13 at makaabante sa semifinals habang ganito rin ang nailista ni Jhessie King Lacuna sa boys; division ng naturang event.
Nakuha ni Lacuna ang kanyang ikalawang event sa youth Olympics matapos pumasa sa standard time na 53.50 sa boys 100m free. Nakatakdang lumangoy sa finals ng 100m free sina Alkhadi at Lacuna habang sinusulat ang balitang ito.
Sa katunayan ang 15 anyos na swimmer mula sa Bulacan ang kauna-unahang Pinoy na nakakuha ng upuan sa youth Olympics sa mabilis na oras na naitala sa 200m free, may tatlong buwan na ang nakakalipas sa national swimming tryout sa Trace Aquatics Center sa Laguna.
Ang youth Olympics ay gaganapin din dito sa Singapore sa susunod na taon.
Kapwa sinanay ni dating national swimmer Pinky Brosas sina Alkhadi at Lacuna na tumapos na 7th at 4th sa kani-kanilang heat.
Magtatangka ng medalya si Alkhadi sa grils’ 50m free habang puntirya naman nina national swimmers Hannah Dato at Banjo Borja na makagawa ng alon sa pool sa medal round ng 200m individual medley para sa girls at boys.
- Latest
- Trending