MANILA, Philippines - Nakabangon sina Marlon Manalo, Antonio Gabica at Jeffrey de Luna para makasama sa Last 32 nang dispatsahin nila ang kani-kanilang kalaban, kasama ang dalawa pang Pinoy pool players sa pagtatapos ng group play sa 2009 Qatar International 9-ball Pool Championship sa Qatar Billiards and Snooker Federation sa Doha, Qatar.
Tinalo ng 2005 World Pool Championships semifinalists na si Manalo ang kababayang si Elvis Calasang, 9-4, namayani naman ang 2006 Doha Asian Games 9-ball gold medalist na si Gabica kay Jeong Young Hwa ng Korea, 9-6, habang kinaldag ni De Luna, si Taher Hossain ng Qatar, 9-1.
Hindi rin nagpahuli sina Israel Rota at Bicol bet Raymond Faraon, kapwa pool instructor sa Middle East na makausad sa Last 32.
Tinalo ni Rota ang kababayang snooker specialist na si Joven Alba, 9-4, habang umibabaw naman si Faraon kay Hamza Mohd Saeed Ali ng ERI, 9-8, sa hill-hill thriller.
Ang limang Pinoy na nakalusot ay dumaan sa mahirap na laban sa loser’s bracket bago makatuntong sa Last 32 sa naturang torneong magbibigay ng $40,000 premyo.
Ang limang Pinoy pool players ay sasamahan ang 27 pang manlalaro sa knockout stage.
Hindi naman pinalad si Demosthenes Pulpul, na yumuko kay Karl Boyes ng Great Britain, 9-5, para mabigong makausad sa money round.
Bigo din sina Alan Cuartero at Oliver Medinilla sa KO stage matapos magtamo ng magkatulad na 9-7 kabiguan kina Imran Majid at Jonni Fulcher, na kapwa Briton.