MANILA, Philippines - Tulad ng kanilang ipinanga-ko, tinapos ng Batangas Bulls ang Baseball Philippines Series V Finals sa pamamagitan ng 12-2 panalo sa Manila Sharks sa Game Two kahapon sa Rizal Memorial Baseball Stadium.
Sumandal ang Bulls sa mahusay na pagpukol ni Vladimir Eguia habang muling kuminang ang batters ng koponan nang hindi nakaporma ang Sharks para kumpletuhin ang 2-0 sweep sa best of three Finals series.
“Gaya ng sinabi ko, we’ll try to finish it today. When the game started, na-injured si Jasmin and it was already a big blow but Vladi stepped up and we also got the hits when we needed it,” wika ni Bulls team manager Randy Dizer.
Nagtapos ang Bulls sa ligang inorganisa ng Community Sports Inc., na hawak ang 13-1 baraha kung saan ang tanging kabiguan ay nalasap sa kamay ng Cebu Dolphins sa Game One ng kanilang semifinals.
Ito naman ang ikalawang korona ng Batangas na naghari sa Series III at pantayan ang Dolphins na nagwagi sa Series II at IV.
Minalas naman si Romeo Jasmin na lumasap ng pulled hamstring muscle sa kaliwang binti sa first inning nang mabigla ang kanyang binti matapos ang pagtakbo sa first base.
Inilabas siya sa pagsisimula ng second inning pero hindi naramdaman ang pagkawala ng 21 anyos na UAAP MVP rin dala ng ipinakita ni Eguia.
Ang 20-anyos na nasa ikalimang taon sa UP at kumukuha ng kursong Physical Education ay nagbigay lamang ng limang hits, dalawang runs at may anim na strikeouts sa kabuuan ng 9-innings.
Hindi man nakalaro sa Game Two, kinilala pa rin ang husay ni Jasmin nang hirangin siya bilang Most Valuable Player ng Series V habang si Eguia ang nanalo bilang Finals MVP at Best Pitcher.
“Hindi ko expected na mangyari ito sa akin pero talagang na-challenge ako sa pagpasok ko sa team dahil naririyan si Eguia at nakipag-compete ako sa kanya,” wika ni Jasmin na naglaro sa Manila mula Series I hanggang III at nalipat sa Alabang sa Series IV bago napunta sa Batangas sa trade na ipinagkaloob ni Leslie Suntay.
Ang dating Bulls na sina Jay at Matt Laurel ay umani rin ng parangal sa koponan ng Alabang nang si Jay ay kinilala bilang Best Hitter at Most Runs Batted In (RBI) habang si Matt ang Homerun King.
Si Saxon Omandac ng Dumaguete Unibikers ang nakakopo sa Most Stolen Bases, si Dizer bilang Best Team Manager at Jojo Abaa bilang Best Umpire.
Ang lahat ng mga pinarangalan ay tumanggap ng medalya mula sa CSI marketing manager Chito Loyzaga. (Sarie Nerine Francisco)