Zhou tumapak sa RP Open Badminton finals
MANILA, Philippines - Upang makaabot sa women's singles finals, buong giting na pinagtanggol ni Hong Kong World No.2 Zhou Mi ang tiket nang makaligtas ito sa 4 match points na humila ng 13-21, 21-14, 22-20 panalo kontra Jiang Yanjiao ng China sa Bingo Bonanza Philippine Open Badminton Championships na ginanap sa PhilSports Arena kahapon.
Pumunta sa bingit ng alanganin, pinakaba ni fourth seed Jiang ang kalabang si Zhou, subalit sa matalinong taktika at matalas na diskarte, sumandig si Zhou sa kanyang power game na nagmanipula ng laban at nagbigay daan na maisulong ang kampanya sa $120,000 tournament na kinikilala ng Badminton World Federation.
Iniingatan ang pagkatalo sa 16-20 sa deci-ding set, pumalo ng 6 na sunod na puntos si Zhou, kabilang ang drop shots na nag-udyok sa Tsinong kalaban na magkamali para kumpletuhin ang talang pagwawagi ng Hong Kong shuttler.
Binigyang buhay ang kampanya sa korona, ginapi ng 30-anyos na Busan Asian Games gold medalist ng 2002 at Athens Olympics bronze medalist ng 2004 na si Zhou si Wang Xin at kababayan nitong si Wang Shixian, 21-13, 21-6, sa semis duel ng event na hatid ng Bingo Bonanza at inorganisa ng International Management Group.
Samantala, pinatunayan naman ng Chinese shuttlers na walang makakapigil sa pamamayagpag nito sa iba't ibang dibisyon ng walisin nina Chen Zhiben at Zhang Jingkang, Zhang Nan at Lu Lu ang kani-kanilang katunggali upang isaayos ang napipintong showdown para sa mixed doubles ng torneong suportado ng PLDT Business Solutions, The Philippine STAR, Philippine Sports Commission, Holiday Inn, Crowne Plaza at Solar Sports.
Aabangan naman ang maaksyong pag-aagawan para sa men's doubles ang Final Four na kinabibi-langan ng top seeded na si Mohammad Ahsan at Bona Septano ng Indonesia na makakasagupa ng No. 6 Chen Zhiben at Shen Ye ng China. Habang makikipagtuos rin para sa titulo sina No. 7 Sun Junjie-Tao Jiaming ng China kina No. 5 Alvent Chandra at Hendra Gunawan ng Indonesia.
Ang men's double top pick na si Shendy Irawata at Meiliana Jauhari ng Indonesia at patuloy na nag-aasam ng tiket sa finals na maari nitong makuha kapag naigupo ang Japanese tandem ni Rie Eto at Yu Wakita.
Nakatakda namang harapin ng Chinese players na sina Wang Siyun at Zhang Jinkang ang tambalang Chan Hung Ling at Chau Hoi Wah ng Hong Kong.
Nang makarating sa quarterfinals, nakatanggap pa rin ng $1,080 papremyo ang 13 anyos na pambato ng Pinas na si Malvinne Alcala, kahit napatalsik ito ni Jiang, 5-21, 16-21 sa engkwentro nila noong Biyer-nes. Habang nakapagbulsa rin ng $1,680 ang Kelvin Panganiban-Gabriel Villanueva duo matapos biguin nina Ahsan at Septano. (Sarie Nerine Francisco)
- Latest
- Trending