SINGAPORE--Nanatiling nasa landas ng medal finish ang Philippines sa basketball at swimming ba-gamat kulang sa ningning ang performance ng bowling at shooting kahapon sa 1st Asian Youth Games.
Umiskor ng 12 puntos si Cris Michael Tolomia habang nagdagdag naman si Jeofrey Javillonar ng 9 puntos nang igupo ng Pinoy ang Hapones, 34-26 at makaabante sa FIBA 3-on-3 boys basketball quarterfinals sa Anglican High School dito.
Matapos mapagwagian ang ikatlong laro sa Group C, nakatakdang makaharap ng Pinoy dribblers ang United Arab Emirates o Thailand sa Group A kahit anuman ang maging resulta ng kanilang laban sa Jordan. Tinalo din ng Philippines ang Iran at Mongolia.
Umusad ang Nationals papalapit sa quarterfinal stint sa girls 3-on-3 matapos ilista ang kanilang ikalawang tagumpay laban sa Uzbekistan, 28-26.
Napanatili din ng swimmer na si Dorothy Grace Hong ang pag-asa ng bansa sa medalya nang makapasok ang multiple Palarong Pambansa gold medalist sa finals ng 100M backstroke for girls.
Nagtapos si Hong, 17 anyos, na panglima sa heat na pinagwagian ni Claudia Yu ng Hong Kong na may one minute at 7.37 seconds oras.
Nagningning naman si Jose Joaquin Gonzales sa boys' 100m back nang pumang-apat ito sa qualifying heat sa tiyempong 1:01.62 upang magmartsa sa semis kung saan paborito naman si Korean Jung Won Yong (59.91 seconds).
Hindi naman sinuwerte ang Pinoy sa bowling, shooting at beachvolleyball.