Pagbagsak ng Rockets
Napipinto ang balitang di makakapaglaro si Yao Ming ng isang buong taon para sa Houston Rockets. masamang balita ito hindi lamang para sa pagkakataon ng Houston, kundi para na rin sa buong NBA. Karaniwang di bumababa sa 20 hanggang 30 milyong manonood ng mga laro ng Rockets ang nagmumula sa China, malaking merkado para sa liga.
Ang hairline fracture sa paa ni Yao ay hindi gumagaling, dala na rin ng sunud-sunod niyang paglalaro sa NBA at pati na rin sa Chinese national team. At mula nang pumasok siya sa liga, naging hirap si Yao sa physical conditioning niya. Ang hairline fracture ay isang lamat sa buto, at kung hindi ito iingatan, baka tumuloy-tuloy ito at lubusang mabali ang buto. Nangyari ito dati sa Portland Trailblazers center na si Sam Bowie, at di na siya nakabalik sa dati.
Problemang malaki ito para sa Rockets, na hinihintay pa ang pagbabalik ni Tracy McGrady. Kakapusin din sila ng salapi para makahanap ng papalit kay Yao pansamantala. Kung naroroon si Yao, di natin masabi kung naitumba sana ng Rockets ang Los Angeles Lakers, na natulak nila sa Game 7 ng kanilang serye sa second round ng playoffs.
Marami rin ang ibang team na interesado kay T-Mac. Sa ilang taon nilang pagsasama ni Yao, tila nasisikipan sa McGrady sa loob dahil nandoon ang malaking sentro. At mukhang mas komportable rin si Yao kay Ron Artest, na di naman kailangan ang bola para maging masaya.
Ano ang magagawa ng Rockets ngayon? Una, malabo nang umasa silang makakuha ng singgaling ni Yao. Ang mga maaaring makuha ng Rockets na sentro ay sina Chris Andersen, Brandon Bass, Rasheed Wallace, Antonio McDyess, Chris Mihm, at Drew Gooden. Pero hindi lahat ay makukuha sa player injury exception ng liga, dahil maliit lang ito, halos $ 5.6 milyon lamang.
Kung bibitawan ng Rockets si McGrady, makakakuha sila ng tatlo o apat na disenteng player na makakatulong sa kanilang makapasok man lang sa playoffs. Tinatayang $ 22 milyon ang makukuha ni T-Mac sa susunod na taon, kaya malaking kaluwagan ito sa Rockets kung mawawala siya.
Kailangang ngayon maka-hanap ng doktor na aprubado ng NBA na magsabing di makakayanan ni Yao na maglaro ng isang buong taon. Tingnan na lamang natin kung ano ang magagawa ng Houston sa mga bagong barahang nakuha nila.
- Latest
- Trending