RP Open badminton papalo ngayon

MANILA, Philippines – Para sa malapitang aksyon ng world class badminton, masasaksihan ang 200 players kabilang ang pinakamalalaking pangalan sa larangang ito sa pagsisimula ng $120,000 Bingo Bonanza Philippine Open Badminton ngayon sa PhilSports Arena, Pasig City.

Unang sasabak sa hard court sina No.2 Zhou Mi at Yip Pui Yin ng Hong Kong, Andrew Smith ng England, Vietnam’s top player Nguyen Tien Minh, dating world junior champion Chen Long ng China, habang aarangkada naman ang Indonesian pair na Meiliana Jauhari at Shendy Iwarati sa women’s division.

Tinatayang magpapasikat rin ang tambalang Bona Septano-Mohammad Ahsan at Rian Sukmawan-Yonathan Dasuki para sa karangalan naman sa Indonesia.

Para pamunuan ang pormal na seremonya, magbibigay ng makabuluhang ideya si Bingo Bonanza President at CEO Albee Benitez, katuwang si Philippine Badminton Association president, former First Lady Amelita “Ming” Ramos para palakasin ang kampanya ng Pinoy sa naturang kumpetisyon.

Nakapokus ang lahat sa pagsukbit ng matinding estratehiya, isang umaatikabong laban ang aasahan upang maangkin ang titulo sa iba’t ibang kategorya tulad ng men’s at ladies singles, men’s at ladies doubles at mixed doubles.

Dahil dito inaasahang lilikha rin ang local talents ng magandang record para bumandera sa five day tournament, Graded Four Star o Gold event na inorganisa ng International Management Group.    

Ang beteranong tambalan ng magkapatid na Asuncion ang tinatayang hahakot ng panalo para sa malawakang kampanya ng Pilipinas sa blue ribbon event na kinikilala ng Philippine Badminton Association at suportado ng Victor (PCOME Industrial Sales Inc), PLDT Business Solutions, The Philippine STAR, Holiday Inn, Crowne Plaza at Solar Sports.

Bilang host, ang Pilipinas ang may pinakamaraming kalahok na 74 sa kabuuang bilang habang pasisiyahin naman ng Indonesia, China at Hong Kong ang palaro sa pamamagitan ng 30, 23, 22 entries, ayon sa pagkakasunod.

Ngunit hindi rin pahuhuli ang Malaysia na may 16-player contingent, at 17 at 9 players para sa Singapore at Japan.

Nasa kabuuang bilang na 53 teams ang syang maglalaban laban para sa men’s doubles crown, at mag-aagawan naman ang 32 pairs para pagreynahan ang ladies doubles plum.

Matapos bumunot ng 57 at 39 entries para sa men’s at ladies singles nakaabang na sa pagpalo ang mga kalahok upang dominahin ang bawat laban, habang 48 teams ang magpapasiklab para sa top honors ng mixed doubles. (Sarie Nerine Francisco)


Show comments