Donaire maigting nang nag-eensayo

MANILA, Philippines – Hindi pa man naitatakda ang sunod niyang laban ay naging maigting na ang paghahanda ni world flyweight champion Nonito "The Filipino Flash" Donaire, Jr.

Kamakailan ay inihayag ng American manager ni Donaire na si Cameron Dunkin na tuloy na ang laban ng tubong Bohol kay Mexican Rafael Concepcion sa Agosto 15 sa Hard Rock Cafe and Casino sa Las Vegas, Nevada.

"This week was my second week of training. Now I’m heading for my third week and from what I know right now Rafael Concepcion signed the contract so finally, I have an opponent," ani Donaire sa kanyang blog sa FilipinoFlash.com.

Sasagupain ni Donaire si Concepcion para sa interim World Boxing Association (WBA) super flyweight title.

Kasalukuyang nagsasanay si Donaire, ang kasalukuyang International Boxing Federation (IBF) at International Boxing Organization (IBO) flyweight titlist, sa ilalim nina Filipino trainer Jonathan Peñalosa at American strength head Mike Bazzel.

"Well, so far my training has been really good. Been training with Jonathon (Peñalosa) and Mike Bazzel just getting a few rounds in for some sparring," sabi ng 26-anyos na si Donaire.

Tangan ni Donaire ang 21-1-0 win-loss-draw ring record kasama ang 14 KOs, habang taglay ni Concepcion ang 13-3-1 (8 KOs).

Wala pang desisyon sina Donaire at Dunkin kung alin sa IBF at IBO flyweight belts ang iiwanan para simulan ang pagkampanya sa super flyweight division kung saan namamayagpag si Vic Darchinyan. (Russell Cadayona)


Show comments