Dadagundong ang big dome sa PBA Finals

Tiyak na dadagundong ang Araneta Coliseum at tiyak din na tiba-tiba ngayon ang PBA sa titular showdown ng sister team na Barangay Ginebra at San Miguel Beer na magsisimula bukas.

Ito ang ikaapat na pagkakataong maghaharap ang magkapatid na kompanya sa kampeonato ng PBA at marami ang umaasang kahit na magkapatid ang dalawang koponan ay magiging mainit pa rin ang salpukan ng dalawang ito.

Gayunpaman, paborito sa serye ang Beermen ngunit paborito naman ng crowd ang Kings.

At isa pa may ‘never-say-die’ theme ang Ginebra kaya tiyak na hindi magiging madali sa Beermen ang pagsungkit ng titulo.

Pero siyempre dahil nga defending champion ang Kings dito, magkakaroon ng pressure sa side nila.

Tatabo na naman sa takilya ang Big Dome at PBA dahil inaabangan talaga ang bakbakang ito ng dalawang koponan kung saan kapwa maraming tagasubabay pareho.

Bagamat crowd-favorite ang Kings, sentimental favorite naman ang Beermen.

Mainit na mainit ang magiging tagpo na ito na sa aking palagay ay aabot ng Game 7.

Kung sino ang magkakampeon?

Hay, subaybayan na lang natin.

* * *

Walang katapusang gulo!

Hindi talaga matapos-tapos ang gulo dito sa basketball.

Nagtataka lang talaga ako dahil kapag pinag-aralan mong mabuti, iisang tao lamang ang lumilikha ng kaguluhan.

Hindi ko na babanggitin pa dahil baka sumikat pa ang taong ito na isinusuka na sa mundo ng basketball pero hanggang ngayon talagang gumagawa ng paraan na guluhin ang basketball sa bansa.

Walang kakupas-kupas ang mamang ito.

Ano ba talaga ang interes ng taong ito sa basketball ?

Kasi kung sasabihin niyang pagmamahal sa basketball ang nagtutulak sa kanya para dito eh hindi ako maniniwala.

Dahil ang nagmamahal ay nagbibigay!

Iyon lang!


Show comments