MANILA, Philippines – Masuwerteng nakaligtas ang College of St. Benilde sa pesteng depensa ng Angeles University Foundation sa mahusay na freethrow shooting upang itala ang, 87-76 panalo sa pagpapatuloy ng 85th NCAA basketball tournament sa The Arena, San Juan City.
Bumulsa ng 20 points, naging mainit ang kamay ni Angelo Montecastro upang palakasin ang kampanya sa liga.
Habang kayod kabayo sa opensa, tumulong sina Chuck Dalanon, William Johnston at Jeff Morial upang dagdagan ang pwersa ng koponan sa pamamagitan ng 18, 12, 10 points ambag, ayon sa pagkakasunod upang ipamalas ang matalinong diskarte ng bagong coach ng CSB na si Richard del Rosario na humalili kay Gie Abanilla.
Subalit para sa Great Danes, tila nabalewala ang pinagpagurang 18 points kontribusyon ni Amel Fuentes na iposte ang panalo.
Gayundin, wala nang kinahinatnan ang 16 points at tig-11 points na ambag nina Limmuel Manarang, Matt Carney at Aaron Santos makaraang makalasap ng pagkabigo sa umpisa pa lang ng season.
Gayunpaman, kahit nagbuhat sa matagal na pagkakatengga ang Blazers, nakakasurpresang lumakas ang rebounding nito na nagtala ng 52-62 sa nakaraang kumperensya, napag-iwanan man ang koponan na may bitbit na 4-10 (panalo-talo), nakuha nito ang masamang rekord dahil sa mababang free throw shooting.
Sa ikalawang seniors game, tinalo ng Arellano University ang Emilio Aguinaldo College, 80-62.
Sa inisyal na laban, winalis naman ng St. Benilde La Salle Greenhills ang AUF sa pamamagitan ng 117-41, at dinispatsa ng Arellano ang EAC sa 83-61 bentahe upang isulong ang kanya-kanyang kampanya sa junors division. (Sarie Nerine Francisco)