MANILA, Philippines - Pinanindigan ng Batangas Bulls ang pagiging paborito nila laban sa Manila Sharks sa Baseball Philippines Series V Finals nang kunin ang Game One sa pamamagitan ng 13-4 panalo kahapon sa Rizal Memorial Baseball Stadium.
Gaya ng dapat asahan, nagpasikat uli ang mga ipinagmamalaking pitchers ng Bulls na sina Vladimir Eguia, Romeo Jasmin at Randy De Leon na nasabayan ng pag-iinit ng kanilang mga batters upang mahawakan ang 1-0 kalamangan sa best of three finals.
Nagbigay lamang ng pitong hits at apat na runs ang tatlong pitchers habang si Erickson Eguia ang nanguna sa Bulls batters nang kumana ito ng apat na hits sa anim at bat.
May anim ding runs-batted-in (RBI) ang number five sa batting order ng Bulls upang katampukan ang 18 hits na ginawa laban sa apat na pitchers ng Sharks.
“Determinado talaga ang mga players na manalo sa Manila na siya naming layunin bago ang larong ito. Maganda ang pitching at maganda rin ang hitting. Sa tingin ko ay 95 percent na sa amin itong korona,” wika ni Emerson Barandoc na siyang humalili pansamantala kay team manager Randy Dizer na nasa Jakarta at pinangungunahan ang kampanya ng ILLAM sa Asia Pacific Little League Championships.
Kailangan na lamang ng Batangas na talunin pa ang Manila sa darating na Sabado upang makuha ang ikalawang titulo sa ligang inorganisa ng Community Sports. Ang unang titulo ng koponan ay nangyari sa Series III at tinalo nila noon ang Dumaguete Unibikers.
Tanging ang nagbabalik na si Justin Zialcita lamang ang hindi pinalad na makapagtala ng hit sa starter ng Bulls na kumawala ng pitong hits at pitong runs sa fifth inning upang makahulagpos sa hamon ng Sharks.