MANILA, Philippines - Para sa isang epektibong kombinasyon, pinagsama sina No. 8 seed Charmaine Reid ng Canada at rank No.10 Nicole Grether ng Germany upang lumakas ang tsansang magreyna sa women’s doubles event ng third Bingo Bonanza Philippine Open Badminton Championships na magsismula sa July 1 sa PhilSports Arena, Pasig City.
Kapwa nanguna bilang single players, nagsanib pwersa ang dalawa upang asintahin ang top honors sa mga dibisyon ng $120,000 tournament na tinuturing na Gold event na nagtatampok sa mga magagaling na shuttlers sa buong mundo.
Eksperyensyado, marami nang karanasan si second ranked Reid nang manalo ito sa Bahrain International Challenge noong Disyembre habang uhaw pa sa panalo,nais pang maiangat ni Grether ang estado mula sa pagkakapasok nito sa semis ng Australian International noong Enero.
Makikipagsapalaran, para idepensa ang kanya-kanyang titulo, sasabak rin sa singles side si Reid at Grether sa torneong handog ng Bingo Bonanza at inorganisa ng International Management Group.
Samantala, kailangan ring pagtuunan ng pansin ang makapangyarihang Chinese tandem nina Wei Yang at Jiewen Zhang, runner up ng Malaysian Super Series noong Enero. Matapos lumutang sa eksena ang pares sa semifinal stints ng Asian Badminton Championships at Korea Super Series, paniguradong magbibigay ng malalakas na palo ang duo.
Para naman sa pambato ng Pinas, pakakaabangan ang kakayahan nina Gelita Castillo at Malvinne Alcala, kasama ang pares nina Fatima Cruz at Emily Gali na parehong magtatangkang mag-uwi ng gintong medalya para sa bansa at makalikom ng mataas na ranking points upang makilala sa buong mundo. (Sarie Nerine Francisco)