Lamang pa rin ang Red Lions
May hinanakit si San Beda College coach Frankie Lim sa kanyang dating manlalarong si Rogemar Menor na nagdesisyong huwag nang maglaro sa kanyang huling season sa National Collegiate Athletic Association at mag-apply na lamang para sa 2009 Draft ng PBA sa Agosto.
Sa pananaw ng karamihan, para kasing malabo ang naging desisyon ni Menor. Kung ang hangad niya ay ang mapasama sa PBA Draft, puwede naman iyon kahit na maglaro siya sa 85th season ng NCAA na magsisimula mamaya sa Araneta Coliseum.
Hindi nga ba’t payag naman ang NCAA na maglaro ang isang player sa kanyang mother team sa huling season at mag-apply din sa Draft? Hindi nga lang siya kaagad na makakapirma sa PBA team na pipili sa kanya at hindi makapaglalaro hanggat hindi tapos ang NCAA basketball tournament.
Marami nang NCAA players na dumaan sa ganitong sitwasyon. Ang unang player na gumawa nito’y si Leomar Najorda ng San Sebastian Stags. Sumunod sina Aaron Aban, Mark Andaya at Boyet Bautista ng Letran Knights, Yousif Aljamal at Pong Escobal ng San Beda at Kelvin Dela Peña ng Mapua Cardinals.
So, hindi na bago ito.
Bakit nga ba nagdesisyon si Menor na huwag maglaro sa huling season niya sa NCAA?
Nagsimula yata ito sa paglalaro niya sa Magnolia sa Philippine Basketball League (PBL) Unity Cup. Kasi, ayaw siyang payagan ng San Beda na maglaro sa PBL dahil nga magte-training ang Red Lions sa Estados Unidos. Pero nagpilit si Menor.
Well, kanya-kanyang diskarte iyan, e. Nagdesisyon na si Menor at tinanggap na rin ito ng San Beda. So, water under the bridge na ang kasong ito, ‘ika nga.
Nanghihinayang nga lang si Lim dahil sa makakatulong pa sana si Menor sa kanilang mis-yon na maisubi ang ikaaapat na sunod na kampeonato.
But, as they always say, life goes on.
Nandiyan man o wala si Menor, itinuturing ng karamihan na "team to beat" ang Red Lions.
Hindi lang naman si Menor ang mami-miss nila sa taong ito Wala na rin ang Nigerian center na si Samuel Ekwe at ang lead point guard na si Pong Escobal. Nagkaganito man ay nagwagi ang San Beda sa Nike Summer league at pumang-apat sa Filoil Flying V pre-season MVP Cup.
Ang kanilang sasandigan ngayon ay ang 6’7 American rookie na si Sudan Daniels na naging miyembro ng Mythical Five ng Filoil tournament.
At parang napakatibay ng gitna ng Red Lions dahil bukod kay Daniels ay nandiyan ang mga big men na sina Dave Marcelo, Jay-R Taganas at Jake Elvin Pascual.
Sa taong ito, papatunayan ng Red Lions na "height is might."
Hindi sila magmemenor kungdi tatapakan nila nang husto ang silinyador!
- Latest
- Trending