MANILA, Philippines - Tila hindi iisa ang direksiyong pinatutunguhan nina Manny Pacquiao, Freddie Roach at Bob Arum.
Isang araw bago sinabi ng abogado ni Pacquiao na si Franklin Gacal na kailangang mas mababa ang timbang ni Miguel Cotto sa 144 lbs para makalaban ang Pinoy icon, sinabi naman ni Roach na okay ito sa 145 lbs. at idinagdag na wala siyang pakialam kung bumaba pa dito ang Puerto Rican.
“Arum called me and I told him I don’t have any problems with the fight being at 145 pounds. In fact I don’t care if Cotto wants to weigh 200 pounds,” ayon umano kay Roach sa isang artikulong lumabas sa boxingscene.com kahapon.
Noong nakaraang linggo naman, si Roach ang nagsabi na lalabanan lamang nila si Cotto kapag nagbawas ng timbang si Cotto ng hanggang 142. Ngunit sinabi naman ng 28 anyos na WBO welterweight champion, na nasa kuwadra rin ni Arum at personal na pinili para makalaban ni Pacquiao, na hindi siya makakababa ng hanggang 142 lbs.
“Baka hindi nag-uusap-usap (Maybe they’re not communicating),” paliwanag ng isang Team Pacquiao member sa iba’t ibang pahayag na mula sa iba’t ibang panayam ng iba’t iba ring media outlets.
“It doesn’t matter if it takes place at 145 pounds. That was the weight we had said right from the start. I will go up in weight by eight to 10 pounds (by fight night). We are waiting for confirmation,” wika ni Cotto kay Mark Vester. “Nothing impresses me. He (Pacquiao) has two arms and so do I. Things in life happen when they have to happen.”
Sinabi naman ni Gacal noong Lunes na magiging masaya si Pacquiao sa 65/35 na hatian pabor kay Pacquiao at noong isang araw naman sinabi ni three-time Trainer of the Year na si Roach na tatanggap ang Pinoy icon ng 70/30 kapag si Cotto ang nakalaban.
Gayunpaman, sinabi ng maalamat na boxing promoter na si Arum na nasa tamang daan sila. Nakipagtagpo kay Mike Koncz sa Las Vegas noong Linggo at iprinisinta ang fight proposal para rebisahin ni Pacquiao at inaasahang pipirmahan na ito.