SBP suportado ng POC
MANILA, Philippines – Suportado ng Philippine Olympic Committee (POC) ang laban ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) kontra sa International Basketball Federation (FIBA).
Sinabi kahapon ni POC president Jose “Peping” Cojuangco, Jr. na nararapat lamang na huwag maging sunud-sunuran si SBP chief Manny V. Pangilinan sa kagustuhan ng FIBA na sumailalim sa isang special committee.
Ang nasabing komite na binubuo nina FIBA secretary general emeritus Borislav Stankovic, FIBA honorary president Carl Men Ky Ching at Dr. Ken Madsen, isang miyembro ng FIBA legal commission, ang siyang ‘reresolba’ sa sinasabing kontrobersya sa Philippine basketball.
“Sabi ko sa kanya nu’ng nagkausap kami last Monday, labanan niya ito,” ani Cojuangco kay Pangilinan. “Don’t just vowed down to something like this.”
Ang mga reklamo sa SBP ay nanggagaling kay Basketball Association of the Philippines (BAP) secretary-general Graham Lim.
“Nagpakahirap itong SBP na makapagpatayo ng isang team na respectable,” ani Cojuangco. “Nakita naman natin in their past performances eh, alam na natin kung ano pang kulang at dinagdagan nila. Ang laki na ng ginagastos diyan. Itong BAP gagastos ba ng ganyan.”
Ang BAP ay ibinasura na ng FIBA noong nakaraang taon kasabay ng pagkilala sa SBP bilang tanging basketball body sa bansa.
Sinabi na ni Pangilinan na hindi siya dadalo sa ipinatawag ng FIBA na pulong sa Hulyo 20-22 sa Geneva, Switzerland.
“We can’t go there unprepared,” ani Pa-ngilinan. “What are the rules of court? What are the rules and procedures? Yan ang gusto naming malaman. How will you judge us? How will you judge them (BAP)? Mahirap `yung ganun,” pagwawakas ni Pangilinan. (Russell Cadayona)
- Latest
- Trending