MANILA, Philippines – Mananatiling nakatuon ang pansin ni coach Yeng Guiao at ng Powerade Team Pilipinas sa kanilang adhikaing makatapak sa 2010 World Championship sa Turkey sa susunod na taon bagamat may pagdududa sa estado ng SBP sa FIBA.
Kung hindi magkakaproblema ang Philippines sa FIBA, bubuksan ng Powerade-RP ang kanilang kampanya sa Asian world qualifier kontra sa Sri Lanka sa Agosto 6.
Susunod na makakalaban ng Nationals ang Japanese sa Agosto 7 at sa susunod na araw naman ang Koreans.
"Our mandate is to prepare for the FIBA-Asia championship and we'll do that. I'm just the coach. We'll go where they ask us to go. We'll take the orders from the big bosses," wika ni Guiao.
Ayaw magkomento ni Guiao sa katayuan ng SBP sa kautusan ng International Basketball Federation,at sinabing: "That's totally out of our control. That's policy matters between SBP and FIBA."
Gayunpaman, malugod na sasalubungin ng Nationals ang pagdating ni Japeth Aguilar na kabilang sa koponan sa kanilang pagbabalik ensayo sa Lunes. Nakatakdang dumating kagabi ang 6’ 8 na si Aguilar na natapos na ang paglalaro sa Western Kentucky sa US NCAA.
Makakasama ng koponan si Aguilar sa kanilang kampanya sa Jones Cup sa Taipei sa July 18-28.