PhilCycling may hiling kay Romero

MANILA, Philippines – Para sa isang magaling na diskarte, nagsanib pwersa ang mga miyembro ng national team at karamihan sa board of directors ng PhilCycling (Integrated Cycling Federation of the Philippines) para hilingin kay businessman/ sportsman Mikee Romero na igiya sa isang panibagong direksyon ang asosasyon.

Sa pangunguna ni secretary general Armando Bautista, pumirma ng manifesto ang amateur basketball godfather para bigyang tsansa ang pagtanggap sa pagiging Pangulo ng PhilCycling.

Kumpiyansa sa kakayahan ni Romero, tiwala si Bautista na magagampanan nito ang kanyang tungkulin dahil sa pagkakaroon nito ng puso para sa isports.

Sinang-ayunan rin ni PhilCycling treasurer Cornelio Baylon Jr. at Cesar Filisopo, vice president for Visayas, sa paniniwalang malaki ang kapasidad ni Romero na maghubog ng mas epektibong organisasyon base sa kanyang naimarkang track record.

Bagamat, marami ang tagasuporta, humingi pa rin ng konting panahon si Romero para pag-isipan ang naturang alok.

Gayunpaman, sobrang laki ng pasasalamat ng franchise holder ng Harbour Centre sa mga opisyales at siklistang naniniwala sa kanyang pamumuno.

Sa kabila ng hindi pa pormal na pagtanggap ng nominasyon, nangako si Romero ng P5 million donasyon na kanyang ilalaan sa training ng national team members para sa SEA Games at financial package sa mga magwawagi.

Ang gold winner sa SEA Games ay mag-uuwi ng tumataginting na P200,000, habang sa silver at bronze medalist ay pagkakalooban ng P100,000 at P50,000.

“It’s really a great honor to be offered this kind of opportunity but I have to think about it. I will still ask my family about it since I’m also busy with my first love which is basketball. But I’m avid Tour fan, especially during the time of Tour of Luzon,” ani Romero.

Datapwat, buong puso pa rin ang pagtulong ni Romero sa grupo sa pagkonsidera ng malaking tsansang umangat sa international stage.

“If my family will give me the green light, then I will support cycling all the way,” dagdag pa ng current chairman ng Philippine Basketball League (PBL). (Sarie Nerine Francisco)


Show comments