MANILA, Philippines - Malamang na ipatupad ni PBA commissioner Sonny Barrios ang sanctions sa ilang players at tao na na-involve sa ilang technical infractions na nangyari habang umiinit ang aksiyon sa magkahiwalay na semifinal series sa Motolite PBA Fiesta Conference noong Linggo.
Nakipag-usap si Barrios kina BK coach Yeng Guiao, San Miguel forward Wesley Gonzales at Ginebra guard-forward Cyrus Baguio kahapon.
Ipinatawag din si BK forward Mark Yee ngunit hindi nakapunta at hiniling na ngayon na lamang ito makikipag-usap kay Barrios.
Inaasahan ngayon ang desisyon ni Barrios sa apat na nagkagulong tao pagkatapos makipag-usap kay Yee.
Binigyan ng technical foul si Guiao sa protesta nito sa reperi sa kanilang ma-emosyon at pisikal na laro kontra sa San Miguel. Nanaig ang Beermen, 100-88 para sa 2-1 sa serye.
Pagkatapos ng laban, hinintay umano ni Guiao ang mga reperi sa may dugouts at doon pinagsalitaan.
Ipinatawag naman si Yee dahil sa flagrant foul na nagresulta ng sugat sa noo ni Gonzales. Tinangkang balikan ni Gonzales si Yee.
Nahaharap naman sa flagrant foul penalty 2 infraction sa ‘landing spot’ rule si Baguio laban kay Ryan Araña. Dala-dala na ng Ginebra guard-forward ang paghihiganti sa Kings bago ito napatalsik sa laro dahil sa foul na yun. (Nelson Beltran)