Dolphins pinatalsik ng Bulls
MANILA, Philippines - Ipinakita ng Batangas Bulls ang tunay nilang tikas nang patalsikin nila ang nagdedepensang kampeon na Cebu Dolphins, 8-1 at makausad sa finals ng Baseball Philippines Series V sa Rizal Memorial Baseball field.
Nagpamalas ng impresibong performance si Romeo Jasmin, ang kasalukuyang MVP sa UAAP nang mangibabaw ito sa mound at nag-init naman ang mga batters ng Bulls na pumalo ng 14 hits sa tatlong pitchers ng Cebu para makaharap ang Manila Sharks sa best-of-three finals na magsisimula sa Hunyo 28.
Kumana ng apat na hits sa walong innings si Jasmin at walang pinatamang Dolphins sa unang anim na innings upang tuluyang putulin ang pag-asa ng Cebu, na nakahirit ng playoff noong Sabado, ang pag-asang maidepensa ang kanilang titulo.
“Nakaapekto ang mahabang pamamahinga at ang mahigit na dalawang oras na paghihintay dahil sa matagal ang laro ng Manila at Alabang. Pero sa larong ito, nagpakita uli sila ng team work at maganda ang ipinukol ni Jasmin,” wika ni team manager Randy Dizer.
Sinimulan din ni Jasmin ang pag-iskor sa koponan sa pamamagitan ng sacrifice hit na nagdala kay Jojo Apura sa single laban sa Cebu starter na si Sebastian Uichico, at ninakawang ikalawa bago umabante sa ikatlo sa home plate.
Di tulad sa ipinakita noong Sabado na kung saan may tatlong hits lamang si Uichico, nangapa ang batang pitcher at sa second inning nga ay natamaan pa ng dalawa na kinatampukan ng two-run double ni Jose Jose para lumobo sa 3-0 ang bentahe ng Bulls.
Bagamat pinalitan siya ni Jerome Bacarisas, gumawa pa rin ito ng limang hits at dalawang runs sa ikalimang inning.
Isang leadoff double ang ginawa ni Teddy Landicho bago nasundan pa ng single ni Carlo Banzo at ang dalawang runners ay napapasok ni Apura na gumawa ng double, sa torneong inorganisa ng Community Sports Inc.
Nakakuha ng unang hit si Miggi Corcuera laban kay Jasmin sa ikapitong inning at umiskor naman ang Cebu mula kay Jordan Orobia sa sumunod na inning sa palo ni Jeff Ardio.
Nagbabadya pa ang Dolphins na madagdagan ang runs na ito dahil kahit may 2-outs ay loaded bases naman ang sitwasyon at si Jerome Bacarisas ay nasa third base at nasa second si Ardio at si Corcuera ay nasa first base.
“Hindi ako makakaupo sa bench sa Game One dahil tutungo ako sa Jakarta para sa Asia Pacific Little League Championship. Pero tiwala ako sa kakayahan ng mga bata at ng iba pang coach ng team at nananalig na mananalo kami sa Manila,” ani pa ni Dizer. (Sarie Nerine Francisco)
- Latest
- Trending