MANILA, Philippines - Isa na namang Filipino ang nagbigay karangalan sa bansa matapos lumilok ng kasaysayan matapos tanghaling Best Player Award si Gerald Datu sa 1st world Taekwondo Federation World Para-Taekwondo Championships na ginanap sa Baku Sports Hall, Azerbaijan.
Bumandera ang pangalan ni Datu sa kompetisyon makaraang hablutin ang bronze medal sa semis matapos ang dikit na 3-5 setback kay Iranian Jafarzadeh Mahmoud sa bantamweight division.
Sa kabila ng naiuwing medalya, si-nimulan ni Datu sa pamamagitan ng 1-0 panalo ang torneo matapos ilampaso ang Columbian fighter.
Sa pinakitang agresibong laro at madiskarteng tira, nakumbinsi ang mga hurado upang hiranging Best Player Award o Good Fighting Award ang Pinoy na si Datu. Hindi na bago sa industriya, pinatunayan ni Datu ang husay.
Mula sa pagiging miyembro ng Philippine Taekwondo Association’s stable of coaches, ginamitan ng karanasan ni Datu ang bawat laban upang makamit ang tagumpay.
Sa tulong ni PTA vice President Sung Chon Hong, naging inspirado ang 35 taong gulang na si Datu na ipinanganak na walang kanang kamay.
“Grand Master Hong told me I’ve got nothing to lose and everything to gain. He was right,” ani Datu, na nakisosyo ng bronze kay Adishirinov Vugar ng host Azerbaijan. “I’m so proud of this award because I was the first ever Filipino toachieve the feat.”
Sa kabuuan, 27 bansa ang nakilahok sa inaugural World Para Taekwondo Championships na nagmarka sa kauna-unahang WTF promoted event na gumamit ng electronic protectors.
Samantala, nanguna ang France na nag-uwi ng 3 gintong medalya para angkinin ang overall title, habang binulsa naman ng host na Azerbaijan ang 1 gold, 2 silver at 2 bronze medals para lumagay sa ikalawang pwesto.
Hindi rin nagpahuli ang Turkey na pumosisyon sa ikatlo na may isang ginto, 2 silver at 3 bronze, na sinundan ng Spain at Russian Federation sa ikaapat at ikalimang pwesto.
Para sa Good Fighting Awards, pinalad na mabigyan ng pagkilala ang Pilipinas, Israel at Guatemala. (Sarie Nerine Francisco)