MANILA, Philippines - Nagpakawala si Jayjay Helterbrand sa unang tatlong yugto, at kinuha naman nina David Noel at Ronald Tubid ang huli nang balikan ng Barangay Ginebra ang Rain or Shine, 103-98 sa Game Two ng kanilang Motolite PBA Fiesta Conference best-of-seven semifinals showdown sa Astrodome.
Nagtulong sina Noel at Tubid ng lahat ng 13 puntos ng Ginebra at pigilan ang Elasto Painters na makakuha ng two-game na bentahe sa kanilang serye.
Inilaan ni Noel ang lahat ng kanyang lakas sa huling yugto at nagsagawa ng crucial play sa endgame upang magtapos na may 24 puntos, 8 rebounds, 6 assists 3 steals at one block.
Inagaw pa nito ang bola kay Don Dulay upang umiskor ng breakaway dunk at paningningin ng tres ang kanyang endgame upang maiganti ang Kings sa 95-101 kabiguan nito sa Game One.
Tila napipintong maulit ang nangyari sa Game 1 nang maghabol ang Elasto Painters sa halos kabuuan ng laban ngunit nabigo itong mahatak ang isang come-from-behind na tagumpay.
“It’s hard to explain we’re dominating the game but we just couldn’t put them away,” pahayag ni Ginebra coach Jong Uichico.
“They just kept on coming back. They would hit timely shots when we’re trying to blow the game open,” dagdag ni Uichico. “We have to get over this. We have to go back to the drawing board and see what’s happening.”
Lumamang pa ang Kings, na binanderahan ng mahusay na shooting ni Helterbrand, ng hanggang 13 puntos sa kaagahan bago iselyo ang 54-45 iskor sa halftime.
Ngunit pursigido ang ElastoPainters na bumangon. At nagbanta pa itong maagaw ang panalo nang lumamang pa sila sa 97-95 papasok sa huling dalawang minuto ng laro.
Samantala, kasalukuyan namang naglalaban ang San Miguel at Burger King sa Game Two ng kanilang sariling serye kung saan puntirya ng Beermen na mailista ang 2-0 bentahe.
Sa kaugnay na balita, dumating na kahapon ang star player ng Kings na si Mark Caguioa mula sa Amerika bagamat hindi ito nakasama sa lineup ng Kings dahil sa kanyang injury.